PALITAN NA ANG MGA OPISYAL NG CHR

Magkape Muna Tayo Ulit

HA? Seryoso ba talaga ang Commission on Human Rights (CHR) na imbesitgahan ang Philippine National Police (PNP) sa umano’y pagkamatay ng isang suspek na gumawa ng isang karumal-dumal na krimen sa pagpas­lang kamakailan sa isang  matandang mag-asawa?

Napatay ang nasabing suspek dahil nang-agaw raw ng baril ng mga police escort habang nakasakay sa sasakyan.

Sige. Huwag na tayong makipagplastikan dito. Kung sakali mang totoong pinatay ng mga pulis ang adik na ito, sino ba ang na­bigyan ng hustisya rito? Sa palagay ba ninyo ay iiyak ang sambayanan sa pagkakapatay sa adik na ito? Tandaan, nasa drug watchlist na ang natu­rang suspek. Sumuko na ito dati subalit bumalik ulit sa paggamit ng ilegal na droga.

Isa siyang salot sa lipunan. Walang karapatan ang mga kriminal na mabuhay sa ating kapaligiran. Kinakalos ang mga ito. Hindi ba iniisip ng mga taga-CHR kung ano ang damdamin ng mga pamilya na naiwan ng matandang mag-asawa? Ang mga ito ay mga inosenteng biktima ng epekto ng talamak na paggamit ng ilegal na droga sa ating bansa.

Sa palagay ba ninyo ay sasama ang loob ng mga pamilya ng napas­lang na suspek sa nangyari? Malamang ay iniisip nila na tapos na rin ang problema ng adik nilang kamag-anak dahil wala naman silang sapat na lakas at pera upang ipadala siya sa drug rehabilitation center.

Ang sa akin lamang ay sana naman ang CHR ay mamili ng mga kasong paglabag sa karapatang pantao. Suriin nilang mabuti ang mga ito bago magsalita sa media sa pagsulong ng kanilang imbestigasyon.

Imbes na makatulong sila sa kampanya laban sa ilegal na droga at sa mga karumal-dumal na mga krimen na nag-ugat sa paggamit ng ilegal na droga, tila  lumalabas pa na nag-aayuda ang CHR sa mga lokong kriminal sa ating lipunan.

Sang-ayon ako sa kahalagahan ng CHR. Kailangan ang ahensiyang ito upang protektahan ang mga naaapi ng mga opsiyal sa gobyerno na umaabuso sa kanilang kapangyarihan.

Ngunit dito sa partikular na kaso ng adik na ito, palagay ko ay kakampi ng PNP ang sambayanan sa nangya­ring pagpatay sa taong ito.

Sa akin lang, panahon na upang maging matigas tayo sa mga kriminal na lulong sa ile­gal na droga. Ang mga bikitma nila ay mga mamamayan natin na hindi kayang ipagtanggol ang kanilang sarili. Kalimitan ay mga matatanda, babae at bata. Sila dapat ang protektahan ng CHR at hindi ang mga walang kaluluwang  kriminal.

Comments are closed.