NAPAPANAHON ang pagbibigay-linaw ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) hinggil sa mga pahayag ni Atty. Nicole Rose Margaret Jamilla kaugnay ng kasong isinampa laban kay Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac.
Tinukoy ni Atty. Jamilla ang PAGCOR bilang sanhi raw kung bakit may mga kriminal na kaso laban sa kanyang kliyenteng si Mayor Guo.
Mahalagang maipaabot ang tama at kumpletong impormasyon upang maliwanagan ang publiko hinggil sa papel at responsibilidad ng PAGCOR sa nasabing insidente.
Unang-una, malinaw ang mga patakaran ng PAGCOR kaugnay sa pagbibigay ng lisensiya sa mga gaming operator.
Ang PAGCOR ay may mahigpit na sistema ng pagtitiyak ng pagsunod sa batas at regulasyon sa gaming. Kung may lumabag sa mga ito, maaaring parusahan agad at kanselahin ang kanilang lisensiya.
Subalit hindi saklaw ng PAGCOR ang pagbibigay ng local business permit at lisensiya. Sa konteksto ng kaso sa Bamban, ang Zun Yuan Technologies, Inc. ay may provisional license mula sa PAGCOR at hindi ito konektado sa mga lokal na permit o inspeksiyon ng gusali.
Ang PAGCOR ay limitado lamang sa pag-iisyu ng gaming license batay sa mga aplikasyon at dokumento ng mga kompanya.
Hindi rin kailanman bahagi ng responsibilidad ng PAGCOR ang inspeksiyon ng mga gusali o compound na wala sa ilalim ng kanilang saklaw. Sa nasabing kaso, ang inspeksiyon sa compound ng Bamban ay nasa ilalim ng local government at hindi sa gaming firm.
Tulad ng nabanggit, ang PAGCOR ay nagbigay ng pansamantalang lisensiya sa Zun Yuan Technologies at ito ay agad na binawi matapos ang pagsalakay na iyon. Malinaw na hindi kailanman naging bahagi ang ahensiya sa anumang aktibidad o operasyon sa loob ng nasabing compound.
Sa paglilinaw na ito, nagpapakita ang PAGCOR ng kanilang patuloy na pagpapatupad ng mga regulasyon at pagpapanatili ng kahusayan sa kanilang mga tungkulin.
Ipinakikita rin nila ang kanilang dedikasyon sa pagsugpo sa mga ilegal na gawain sa gaming industry. Hindi lamang sila nagtatanggol sa kanilang sarili, bagkus patuloy na nangunguna sa pagsasaayos ng mga sistemang nagtataguyod nang maayos at patas na gaming environment para sa lahat.
Ang mga ulat ng katiwalian o anumang uri ng krimen ay dapat imbestigahan at tiyakin na may kaukulang parusa.
Ngunit sa ganitong panahon ng kontrobersiya, mahalaga rin na maipahayag nang maayos ang tamang konteksto at impormasyon upang hindi mapagbintangan ng hindi nararapat ang mga institusyon o mga indibidwal.
Sa pamamagitan ng ganitong mga pahayag at paliwanag, mas magiging maingat at maalam ang publiko sa kanilang pag-unawa sa mga kaganapan at sa paghusga sa anumang isyu.