BILANG pagsunod sa ipinatupad ng pamahalaan na enhanced community quarantine (ECQ), pansamantalang ipinahinto ng Meralco ang pagbabasa ng metro bilang pagsasaalang-alang sa kaligtasan at kalusugan ng mga customer at ng mga meter reader. Bunsod nito, nagkaroon ng pag-estimate ng bill ng mga customer para sa buwan ng Marso at Abril. Ang pag-estimate ng bill ng customer base sa average ng huling tatlong buwan na konsumo ng mga ito ay pinapayagan sa ilalim ng Distribution Services and Open Access Rules (DSOAR) na ipinalabas ng Energy Regulatory Commission o ERC.
Para sa buwan ng Marso, ang ginamit na basehan ng estimation ng bill ay ang konsumo para sa buwan ng Disyembre 2019, Enero 2020, at Pebrero 2020. Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na ang temperatura sa mga buwan na ito ay ‘di hamak na mas mababa kumpara sa temperatura sa kasalukuyan. Sa buwan ng Marso, kung kailan pumasok na rin ang panahon ng tag-init, at dahil na rin sa pansamantalang paghinto ng pagbabasa ng metro, hindi na nairehistro sa singil ng Meralco para sa mga buwan ng Marso at Abril ang anumang pagtaas sa konsumo bunsod ng nangyaring ECQ. Dagdag pa rito ay mababa ang konsumo sa mga buwan na nagamit bilang basehan ng mga estimated bill.
Bukod pa sa init ng panahon, ang isang bagay rin na maaaring nakaapekto sa paglaki ng konsumo ng customer ay ang pamamalagi sa loob ng bahay ngayong ECQ. Tiyak na magkakaroon ng pagtaas sa konsumo dahil sa mas matagal na paggamit ng mga kagamitang de koryente at kagamitang pampalamig gaya ng aircon at bentilador. Ang mga aircon na kung dati ay ginagamit sa loob lamang ng anim hanggang walong oras, ay maaaring ginagamit na ng mas matagal ngayong ECQ.
Bagaman pinapayagan sa batas ang estimation ng bill ng mga customer kapag hindi ito nakuhanan ng aktuwal na reading, bahagi rin ng nasabing batas ang kondisyon na kailangang maitama agad ang bill ng mga customer ayon sa aktuwal na reading. Bunsod nito, muli nang nagbalik sa pagbabasa ng metro ang Meralco upang maitama ang mga estimated na bill. Dahil nga sa mababang konsumo ng mga nakaraang buwan na nagamit bilang basehan ng estimation ng Marso at ng Abril, ngayong Mayo ay makikita na talagang may pagtaas ng konsumo. Sa buwan ng Mayo nakapaloob ang anumang konsumo ng customer noong Marso at Abril na hindi naisingil dahil sa pansamantalang paghinto ng meter reading kasama ang aktuwal na konsumo ng customer para sa buwan ng Mayo.
Tanging ang meter reading lamang ang basehan ng Meralco sa pagkalkula ng mga singil nito sa mga customer. Kaya kung ang isang bahay na nabakante habang ECQ o ang negosyo ay pansamantalang huminto ng operasyon ay nagkaroon pa rin ng bill na hindi halos nagkakalayo sa normal nitong billing dahil sa estimation, maaasahang makikita sa buwan ng Mayo ang adjustment para rito.
Upang makagaan sa bayarin ng mga customer ang mga bill na may due date na March 1 hanggang May 15, kung hindi kayang bayaran ng buo, ay maaaring bayaran ng apat na hati sa loob ng apat na buwan. Nangangako ang Meralco na magbibigay ito ng mga posibleng opsiyon para sa kaginhawaan ng mga customer nito.
Para sa mga customer na may katanungan ukol sa kanilang mga bill at meter reading, maaari nilang idulog ang kanilang mga tanong sa aming 24/7 hotline sa telepono bilang 16211. Maaari ring mag-iwan ng mensahe sa aming Facebook at Twitter page. Maaari ring bumisita sa pinakamalapit na business center sa inyong mga lugar.