(ni KAT MONDRES)
MARAMI sa ngayon ang mas pinipiling tumira sa isang maliit na apartment/condo. Hindi naman mahalaga ang malaking apartment o condo. Ang importante ay mura lamang ito o swak sa bulsa ang renta at personal mo itong ginagamit.
Ang ganitong sitwasyong ay praktikal. gayunpaman, ang mahirap lang ay kung paano paplanuhin at pagkakasyahin ang mga gamit sa bahay. Mapaiisip ka tuloy kung ano ang talagang kakailanganin at iyon na lamang ang bibilhing gamit.
Ayon sa interior design experts, ang susi para sa komportableng pamumuhay ay gumawa ng matalinong pamamaraan kung saan mayroon pa ring comfort at masusunod pa rin ang iyong personal style.
Kung may panahon, masarap naman talagang magpaganda ng tahanan.
Kaya ang ilan, kahit na sobrang abala ay naglalaan pa rin ng panahong pagandahin ang kani-kanilang mga tahanan.
Pero isa nga naman sa pinakamahirap ayusin ay ang lugar na may maliit lamang na espasyo. Halimbawa na lang ang apartment o condo.
At dahil isa sa inaalala ng marami kung paano paluluwagin ang kanilang apartment o condo na may maliit lang na es-pasyo, may mga ibabahagi kaming paraan na simpleng-simple lang:
BIGYAN NG SPACE ANG ILANG PARTE NG BAHAY
Kailangan mong maging creative sa paghahanap ng parte ng bahay na puwedeng magdagdag ng space. Puwede mong tanggalin ang ilang pintuan o pader para magkaroon ng malaking espasyo. Maaari mo ring gamitin ang mga kanto na hindi nagagamit.
Iwasan naman ang paggamit ng dividers.
MAG-REARRANGE O BAGUHIN ANG PAGKAKAAYOS NG MGA GAMIT
Bigyan din ng importansiya ang mga lugar na lagi mong ginagamit sa bahay. Halimbawa na lang ang sala, maaari mo itong gawing mini office.
Puwede ka rin gumawa ng drawing sa papel para makita mo kung paano pagagandahin at aayusin ang iyong bahay. Maging creative sa pagplano, makukuha mo ang nais mong disenyo ng bahay.
PAPASUKIN ANG NATURAL LIGHT
Isa sa mga teknik para magmukhang malaki ang bahay ay ang magandang ilaw o reflection.
Laging buksan ang bintana para makapasok ang sikat ng araw. Kapag walang paraan para makapasok ang natural light sa bahay, puwedeng maghanap ng alternatibo gaya ng track lighting sa hallway ng bahay.
GUMAWA NG BUILT-IN STORAGE
Storage, iyan ang kailangang-kailangan natin. Pero kung may kaliitan lang naman ang lugar mo o ang apartment na tini-tirhan mo, maaari ka namang bumili ng mga kagamitang doble ang pakinabang sa iyo.
Halimbawa na lang ay ang upuan o table, sa panahon ngayon, makabibili ka na ng upuan at table na bukod sa puwede mong upuan at pagpatungan, maaari mo pang gawing storage.
Hindi nga naman sisikip ang bahay mo. Kaya kung maliit ang space, ganitong mga gamit ang hanapin mo, tiyak na matu-tuwa ka sa magiging pakin-abang ng mga ito sa iyo.
Kapag ikaw ay may budget, puwede mong i-renovate ang iyong bahay. Gumawa ng built-in closet para sa mga gamit na puwede nang itago.
Mag-invest sa mga do-it-yourself o DIY na paraan kung walang budget.
Hindi rin naman kailangang bumili ka ng mga pandekorasyon, dahil kung mahilig ka sa art, tiyak na makagagawa ka ng mga bagay na swak na swak sa iyong tinitirhan.
Kaya naman, gamitin na ang kakayahan mo sa paggawa ng mga bagay-bagay, nakatipid ka na, nagamit mo pa ang kaka-yahan mo at higit sa lahat, napaganda mo pa ang bahay mo.
IWASAN ANG MAKALAT NA LUGAR
Kung magulo ang isang lugar at maliit pa, lalo lamang itong sisikip tingnan. Ugaliin ang paglilinis at pag-aayos ng kuwarto o apartment nang maging maganda ito sa paningin.
PILIIN ANG SWAK NA FURNITURE
Maging maingat din sa ilalagay o bibilhing mga gamit. Dapat ay tama ang bibilhing gamit o furiniture nang hindi ito makadagdag sa kasikipan o kaliitan ng isang lugar.
Iwasan ang malalaki at bulky na furniture. Gayundin ang may mga awkward shapes at dark colors.
Kapag dark kasi ang kulay, lalo lamang nitong pinaliliit ang isang lugar.
GAMITIN ANG HANDY ITEMS
Maraming nagbibigay sa atin ng regalo. At kapag hindi pa naman natin gusto, itinatambak na lang natin. Hindi maganda ang ganoon.
Kasi, lahat ng bagay na ibinigay sa iyo, tiyak na may paggagamitan iyan.
At kung itatambak natin, pampasikip din ito ng kuwarto o apartment. Kaya kung masikip na ang apartment o bahay, lalo pa itong sisikip dahil sa nakatambak na handy items o mga regalo.
Kaya naman, i-check mo ang mga iniregalo o ibinigay sa iyo ng mga kaibigan mo at kapamilya noong nakaraang mga taon at isipin mo kung paano mo ito magagamit. Kaya, imbes na itambak na lang iyan sa isang gilid, maaari mo iyang gamiting pandekorasyon.
GUMAMIT NG LIGHTER SHOWER CURTAINS
Isa pa sa nais nating maging maluwag o malaking tingnan ang bathroom. At para naman lumuwag ang bathroom kahit na maliit lamang ito, isang teknik na puwedeng subukan ang paggamit ng lighter na shower curtains.
Maraming paraan kung paano mapalalaking tingnan ang isang apartment o bahay. Maging creative lang at ilagay natin ang ating puso sa pagdedekorasyon. (photos mula sa pinterest, erosuchki.com, bocadolobo.com at aol.com)
Comments are closed.