‘PALYADONG’ HAGAD GAGAWING TRAFFIC COP

Dionardo Carlo

CAMP CRAME – PINAALALAHANAN ni Philippine National Police –Highway Patrol Group (PNP-HPG) Director, BGen. Dionardo Carlos ang kanyang mga tauhan na panatilihin na good running condition ang ginagamit na motorsiklo.

Subalit, sakaling mabigo at maaktuhan niyang palyado ang sasakyan ng kanyang mga hagad ay may tiyak aniyang kaparusahan.

Noong Biyernes ay nagsagawa ng inspeksiyon si Carlos sa mga motorsiklo ng kanyang mga tauhan sa Camp Crame Grandstand sa Que­zon City.

Inalam ng HPG chief kung nasa “good running condition” ang mga motorsiklo ng mga ito.

Aniya, dapat mapanatili ng kanyang mga tauhan na maayos ang kanilang motorsiklo dahil  ginagamit ang mga ito sa paghabol sa anti-carnapping at highway robbery operation.

Babala ni Carlos sa kanyang mga tauhan na sinumang magpabaya sa kanilang motorsiklo ay babawiin ito at itatalaga para magbantay ng traffic sa EDSA.

Sa ulat, 94 motorsiklo ang ininspeksiyon ni Carlos at tiniyak na gagawin niya ang inspeksiyon buwan-buwan.

Sa mga susunod na linggo bibisitahin naman ni Carlos ang regional offices ng PNP HPG para kamustahin ang kanilang mga tauhan at in-speksiyunin ang mga equipment at tanggapan. REA SARMIENTO

Comments are closed.