PAMAHALAAN, HINDI TITIGIL SA PAGBIBIGAY NG AYUDA SA MGA MAHIHIRAP

Tiniyak ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo na hindi titigil ang pamahalaan sa pagtulong at pagbibigay ng ayuda habang may mga kababayan tayong patuloy na naghihirap.

“Anong kakainin o ipapakain sa pamilya n’ya kung hindi aayudahan ng gobyerno?” pahayag ni Tulfo, sa isang radio interview, hinggil sa usapin ng ayuda ng pamahalaan.

Tugon ito ni Cong. Tulfo matapos na matanong kung, “hindi kaya tinuturuan ng pamahalaan ang mga mahihirap na maging tamad dahil lagi na lang binibigyan ng ayuda?”

Ayon naman sa House Deputy Majority leader na si Tulfo, “Hindi po lahat ng tao masu­werte. Meron kahit anong sipag at tiyaga ay malas pa rin dahil marahil hindi nakapagtapos o walang makuhang trabaho.”

Aniya, “for the meantime, habang pilit niya bumangon, kailangan ayudahan para maitawid ang kanyang pangangailangan at ng kanyang pamilya”.

Dagdag pa nito, ma­raming ayuda ang pamahalaan gaya ng Tulong Panghanap Buhay para sa mga Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor para sa mga nawalan ng trabaho pansamantala.

At doon sa walang hanapbuhay ay maaring mag-apply ng Sustainable Livelihood Program o SLP ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Medical assistance for indigent persons o MAIP naman ng Department of Health (DOH) para sa mga nagkakasakit na mahihirap na kababayan.

Nariyan ang kilalang Pantawid ng Pamilyang Pilipino Program o 4Ps para sa mga mahihirap na may mga anak na nag-aaral at ang Ayuda para sa Kapos ang Kita (AKAP) ng DSWD.

“Lahat kasi ng ito ay pangako ng Pangulo na walang maiiwan sa pagbangon ng bansa sa kahirapan,” pahabol pa ng mambabatas.