BAGAMA’T may bahagyang pagbabago sa diskarte nito, naninindigan ang administrasyon ni Presidente Ferdinand “Bong Bong” Marcos, Jr. na patuloy ang laban nito kontra ilegal na droga.
Sa ilalim ng programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA), layunin ng pamahalaan na labanan ang ilegal na droga sa mga paraan na nakapaloob sa Saligang Batas, na may paggalang sa karapatang pantao, na nakatuon sa rehabilitasyon at sa isang inklusibong panlinpunang approach. Ito ang apprehension, rehabilitasyon at pagbibigay ng pagkakataon sa mga biktima ng droga na magbagong buhay.
Inihalintulad ni Interior Secretary Atty. Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang laban kontra sa ilegal na droga sa pagputol sa sanga ng isang puno.
Aniya, “Para itong isang puno, na maski putulin natin ang sanga, may panibagong sanga na tutubo at papalit. Kaya kung gusto mong putulin ang puno, kailangan tanggalin ang pinaka-ugat nito. At bilang kapalit, isang matibay na puno din ang papalit at sasalamin sa ating adhikain na gawing posible ang isang komunidad na walang bahid ng iligal na droga.”
Pormal na inilungsad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang BIDA sa Workplace Program sa pamamagitan ng paglagda sa isang memorandum of understanding (MOU) na naglalayong palawigin ang laban kontra iligal na droga sa pribadong sektor.
Ang nasabing paglagda ay pinangunahan nina Abalos at ng mga kinatawan ng malalaking korporasyon katulad ng MVP Group of Companies (Meralco, Maynilad, PLDT-Smart at Metro Pacific Tollways), Jollibee Food Corporation, Max’s Group, Inc., Megawide Corporation, SM Corporation, Megaworld, Philippine Airlines (PAL), McDonald’s, Nestle, Aboitiz, San Miguel Corporation, ETON, Ayala, Converge ICT Solutions, Inc., Blue Cross, Bench, Gokongwei Group, Lopez Holdings Corporation, RFM Corporation, Tan Yan Kee Foundation, Inc., Foodee Global Concepts, Cherry Mobile, Mary Grace, UERM Medical Center, at University of the East.
Hinikayat din ni Abalos ang mga pribadong kompanya na magkaroon ng sarili nilang drug policy at magsagawa ng random drug testing sa kanilang mga empleyado upang mabawasan ang paggamit ng ilegal na droga.
“BIDA Program is all about shared responsibility in countering illegal drugs, and BIDA Workplace is our bid to forge dependable partnerships with the private sector. Kayo na ang bahala sa kanya-kanya ninyong internal mechanism but what is important is that every company would have a drug policy kasi matatakot silang gumamit,” dagdag niya.
Ani Abalos, ang BIDA Workplace ay bahagi ng whole-of-nation approach ng pamahalaan upang labanan at puksain ang ilegal na droga sa buong bansa. Sa pamamagitan nito at iba pang aspeto ng BIDA program ay unti-unting makakamit ang pagiging drug-free ng Pilipinas.
Sa ilalim ng kasunduan, magkakaroon ng kani-kaniyang programa at patakaran kontra ilegal na droga ang mga pribadong kumpanya na naaayon sa adhikain ng BIDA Program.
Isang halimbawa, ang pagsasagawa ng random drug testing ng mga empleyado, na kung saan ang bawat kumpanya ay magpapataw ng kani-kanilang mga penalty tulad ng suspension, dismissal, o di kaya’y tulungan ang isang nagkasalang empleyado na sumailalim sa rehabilitasyon.
Binaggit ni Abalos na kung lahat ng kumpanya ay gagawin ito, tiyak na magiging malinis ang ating bansa at mananalo tayo sa laban kontra iligal na droga.
Naging inspirasyon din ng BIDA Workplace ang naging magandang pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor sa panahon ng pandemya, partikular sa pagpatupad ng COVID-19 testing.
Sa tulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) plano rin ng DILG na ilunsad ang BIDA Drug-Free Workplace Seal na ipagkakaloob sa mga pribadong kumpanya na sumusunod sa mga BIDA Workplace policy at practices at gumagawa ng aktibong hakbangin upang masiguro na hindi napapasok ng droga ang kanilang kompanya.
Ipinahayag ni Unang Ginang Louise “Liza” Araneta-Marcos na siyang panauhing pangdangal sa nasabing pagtitipon, ang kanyang lubos na suporta sa DILG at pribadong sektor sa kanilang inisyatiba na magkaisa para masiguro ang pagkakaroon ng ligtas at drug-free na mga workplace sa bansa.
“By inviting and involving the private sector, hopefully we would be able to enlighten the public about the perils brought about by illegal drugs. President Marcos earlier said that there will be no let-up in the government’s campaign against illegal drugs. On behalf of my husband, thank you, DILG, thank you, private sector. Thank you for the support you’ve given and continue to give for my husband’s war against drugs. Thank you for your commitment to make our Filipino communities safe and drug free,” dagdag ng Unang Ginang.
Ang giyera kontra ilegal na droga ay laban ng buong sambayanan at hindi ng pamahalaan lamang. Kaya naman makakaasa ang pamahalaan na tutulong ang MVP Group of Companies sa kanilang adhikain na isulong ang mga human at social development program at sa pagmumulat sa mga mamamayan sa epekto ng ilegal na droga.