ISINIWALAT ni Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Contrado Estrella III na binibigyang prayoridad ng pamahalaan ngayon ang pagpoproseso ng titulo ng mga sakahang pang agrikultura na ipinamamahagi sa mga magsasakang agrarian reform beneficiaries (ARBs) bagamat may mga minamadali na rin umanong asikasuhin ang ibang ahensya para sa pabahay at palupa ng ibang sektor at ipinangako na tatalima ito sa direktiba ni Presidente Ferdinand “Bongbong “Marcos Jr.na maipamahagi ang mga ito sa kanyang termino.
Ito ay sa gitna ng direktiba ni Marcos sa DAR na pabilisin pa ang proseso at tapusin sa kanyang termino ang pamamahagi ng isang milyong Certificates of Land Ownership Award (CLOA) ng mga lupang pang agraryo ng mga kwalipikadong magsasakang benepisyaryo sa buong bansa.
“Alam ni’yo po ba na napakaraming titulo ang kailangan nilang iproseso araw-araw gaya ng sa housing at kung ano-ano pa. Ngunit inuna nila na i-proseso ang titulo ng mga agrarian beneficiaries para maibigay ito sa inyo ngayon,” ani Estrella sa kanyang mensahe sa harap ng mga magsasaka sa Zamboanga del Norte Convention Center.
“Sa ating mga taga-DAR na palagay ko, ‘yung Kalihim ninyo hindi na natutulog, mas lalo pa kayong sigurong hindi natutulog, hindi na rin kumakain dahil naghahabol talaga kami upang matapos ang agrarian reform bago matapos ang aking termino,” ani Marcos.
“Sa ating mga Register of Deeds, ganun din. Sila’y talagang malaking bahagi sa ating mga ginagawa. Sa Land Management Services ng DENR at sa LandBank of the Philippines at maging sa ating mga opisyal ng iba’t ibang lokal na pamahalaan dito sa Zamboanga, tuloy lang po tayo sa pagkilos at sa pagtutulungan,” dagdag pa ni Marcos.
Mula nang magsimula ang administrasyon ni Marcos dalawang taon na ang nakararaan, ang DAR ay nakapamahagi na ng kabuuang 8,300 titulo ng lupa na sumasaklaw sa 12,000 ektarya sa rehiyon ng Zamboanga Peninsula, bilang pagpapatunay umano ng pamahalaan na ipakita na pinipilit nito iangat ang buhay ng mga Pilipinong magsasaka.
Nagpasalamat din si Estrella III sa Register of Deeds sa pagpoproseso ng mga titulo ng lupa, pagbibigay-prayoridad sa mga benepisyaryo ng agraryo, at pagtitiyak na matatanggap nila kaagad ang nararapat na pagmamay-ari ng kanilang lupa.
Hinikayat ni Estrella ang mga benepisyaryo na panatilihin ang tiwala sa pangako ng gobyerno sa kanilang kapakanan, na tinitiyak ang patuloy na suporta at serbisyo para mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasakang Pilipino sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Marcos Jr.
Sa naturang kaganapan, 4,956 Certificates of Land Ownership Award (CLOAs) na sumasaklaw sa 7,214.70 ektarya ng lupa sa humigit-kumulang 4,456 agrarian reform beneficiaries (ARB) sa mga lalawigan ng Zamboanga del Norte, Zamboanga Sibugay, at Zamboanga del Sur ang naipamahagi ng pamahalaan.
Muling pinagtibay ni Estrella III ang kanyang pangako kay Marcos na tatapusin ng DAR ang pamamahagi ng agraryong palupa sa loob ng termino nito sa isang panayam sa Koronadal City, South Cotabato kasunod ng pamamahagi ng 4,351 na titulo ng lupa sa 4,271 agrarian reform beneficiaries noong Biyernes, Mayo 24, 2024.
Panghahawakan ng mga magsasaka ang ibinigay na katiyakan ng Pangulo ng pangako ng repormang agraryo ay matutupad sa buong bansa.Ang pamamahagi ng mga CLOA ay nagpapakita umano ng paninindigan ng administrasyon na palakasin ang mga karapatan ng mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng mga indibidwal na titulo at proteksyon sa ilalim ng Republic Act No. 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act, na nagpapatawad sa lahat ng hindi nabayarang amortisasyon ng pangunahing utang, kabilang ang interes at mga multa, kung anuman, na natamo ng mga ARBs.
Samantala, tinatayang umabot sa P15.7 milyon naman ang halaga ng mga makinarya at kagamitang pangsaka ang naipagkaloob ng pamahalaan sa 30 organisasyon ng agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa pamumuno ni Marcos at Estrella sa naturang kaganapan sa Zamboanga del Norte.
Ang pamamahagi ng mga makinarya ay kasabay ng pagkakaloob ng 7,214 ektaryang lupang agrikultural sa mahigit apat na libong ARBs sa Zamboanga del Norte.
Ma. Luisa Macabuhay-Garcia