KUMPIYANSA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na mas magiging mabilis at sistematiko ang pamamahagi ng pinansiyal na ayuda sa ilalim ng ikalawang tranche ng social amelioration program (SAP).
Ayon kay DSWD Spokesperson Director Irene Dumlao, nakipag-ugnayan na sila sa ilang financial service providers para sa pagproseso sa pay-out ng ayuda.
Sinabi ni Dumlao, bukod sa mas mabilis ang ganitong paraan ay contactless o maiiwasan na ang pakikipagsalamuha at pagtitipon ng maraming tao.
Direktang makukuha ng benepisyaryo ang kanyang pinansiyal na ayuda sa pamamagitan ng kanyang account o sa mga payment center.
Habang sa mga malalayong lugar naman na walang mga financial provider, gagawin aniya ang pamamahagi ng ikalawang tranche ng SAP sa mas malaking venue o pagbabahay-bahay kung senior citizen ang head of the family.
Nakipag-ugnayan na rin ang DSWD sa mga pulis at sundalo maliban pa sa mga lokal na opisyal para sa distribusyon ng SAP.
Nauna nang tiniyak ni DSWD Secretary Rolando Bautista na matatanggap na ng 80% porsiyento ng mga benepisyaryo ang kanilang ayuda sa katapusan ng Hulyo.
Isasalang naman sa cross checking o dobleng pagsusuri ang nalalabing 20% porsyento ng mga benepisyaryo.
Hawak na ng kawagaran ang pondo para sa ikalawang tranche ng SAP pero natatagalan aniya sila sa pag-check sa listahan ng mga kuwalipikadong benepisyaryo. KRISTA DE DIOS-DAGALA-DWIZ882
Comments are closed.