PAMAMAHAGI NG AYUDA SA STUDES DINAGSA

Estudyante

DUMAGSA ang mga estudyante at kanilang mga magulang o guardians sa mga tanggapan ng Department of Social and Welfare Development (DSWD) sa pagsisimula ng pamamahagi ng ahensiya ng educational assistance sa mahihirap na estudyante.

Ilan sa kanila ay nakapila na Biyernes pa lamang ng hapon sa DSWD Central Office sa Batasan Complex, Quezon City.

Nasa 4,000 benepisyaryo at kanilang mga magulang ang nasa labas ng DSWD Central Office ngunit 2,000 lamang ang na-accommodate.

Sumiklab ang tensiyon makaraang magpumilit pumasok ang mga hindi na-accommodate sa Central Office, kung saan ang ilan ay umakyat sa bakod at ang iba ay itinulak ang mga guwardiya na nagbabantay sa gate.

Lumabas si DSWD Secretary Erwin Tulfo at nanawagan sa crowd na huminahon.

“Humihingi po ako ng paumanhin. Hindi po natin kakayanin lahat kayo. Ang kakayanin namin hanggang mamayang gabi lang,” sabi ni Tulfo sa crowd.

Aniya, ang mga benepisyaryo ay maaaring kumuha ng appointment via QR code, at kokontakin sila ng ahensiya para sa kanilang iskedyul ng pagkuha ng educational assistance.

Mahaba rin ang pila sa labas ng regional at provincial offices ng DSWD.

Ang ipamamahaging cash assistance ay nakadepende sa education level ng mga benepisyaryo: P1,000 para sa elementary, P2,000 sa high school, P3,000 sa senior high school at P4,000 para sa college o vocational students.

Hanggang tatlong anak mula sa bawat pamiltya ang maaaring tumanggap ng ayuda.

Ang educational assistance ay maaaring kunin sa DSWD central, regional, provincial, at iba pang local offices tuwing Sabado simula kahapon hanggang September 24.