PAMAMAHAGI NG FUEL SUBSIDY SA PUV DRIVERS, KASADO NA

BAGO magtapos ang linggong ito inaasahan nang masisimulan ang distribusyon ng fuel subsidies sa mga public utility vehicle (PUV) drivers na labis na apektado ng siyam na linggong pagtataas ng presyo ng mababang petrolyo sa bansa.

Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, target nilang masimulan ang distribusyon ng P3 bilyong fuel subsidy para sa may 1.36 milyong PUV drivers sa buong bansa sa susunod na dalawang araw.

Paniniguro pa ng kalihim, hanggang Biyernes, Setyembre 15, ang siyang pinakamatagal na petsa upang masimulan ang distribusyon.

Siniguro rin ni Bautista na kasalukuyan nang nakikipag-ugnayan ang pamunuan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa LandBank, Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Trade and Industry (DTI), at Department of Information And Communications Technology (DICT) hinggil sa pamamahagi ng subsidiya.

Kabilang sa mabibiyayaan ng subsidiya ang may 6,000 Modernized Public Utility Jeepney (MPUJ) operators; 150,000 public utility jeepney (PUJ) drivers sa mga operator; 500 mga operator ng Modernized Utility Vehicle Express (MUVE); 20,000 utility van express operator; 930,000 tricycle drivers sa mga operator; 150,000 riders sa paghahatid ng pagkain; at iba pa. BENEDICT ABAYGAR, JR.