PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, sa tulong ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamimigay ng tulong sa mga mahihirap na pamilya at mga biktima ng sunog sa Puerto Princesa City.
Si Romualdez ang itinalagang caretaker ng ikatlong distrito ng Palawan matapos pumanaw si dating kinatawan at mayor ng Puerto Princesa City na si Edward Hagedorn noong Nobyembre.
Pinangunahan nito ang ceremonial distribution ng ayuda sa ilalim ng CARD program na ginanap sa Provincial Capitol Convention Center kung saan mahigit 2,000 ang benepisyaryo.
Ang bawat benepisyaryo ay tatanggap ng P3,000 cash assistance at P5 kilong bigas na may kabuuang halagang P7 milyon.
Nagpasalamat si Speaker Romualdez kay DSWD Secretary Rex Gatchalian sa napapanahong pagtulong nito sa mga biktima ng sunog at mga mahihirap na residente sa lugar.
“Umasa po kayong mga taga-Puerto Princesa na ang inyong lingkod ay kasama ninyo sa lahaat ng pagsubok na dadaanan. At gagawin natin ang lahat, ayon sa bata upang maiabot ang inyong mga pangangailangan tungo sa sabay-sabay nating pag-unlad,” sabi nito.
Sa isa pang event na ginanap sa Mendoza Park, pinangunahan naman ni Speaker Romualdez ang ceremonial distribution ng nasa P4.8-milyong cash assistance sa may 700 pamilya na biktima ng sunog.
Ang mga ito ay binigyan ng P2,500 hanggang P10,000 cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Ang mga benepisyaryo ay nakatanggap din ng relief pack mula sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at youth group na NextGen.
Noong Pebrero 7, isang malaking sunog ang tumupok sa kabahayan ng may 681 pamilya sa Barangay Bagong Silang at Pagkakaisa. Nasa 19 pamilya naman ang apektado sa sunog noong Pebrero 14 sa Barangay San Miguel.
Ito na ang ikalawang AICS distribution sa mga biktima ng sunog. Ang una ay noong Pebrero 15 at 16 na pinangunahan ng Palawan 3rd District Caretaker Office kung saan binigyan ng tig-P10,000 ang mga benepisyaryo na may kabuuang halagang halos P7 milyon.
Bukod dito, namigay rin ng 2,500 relief pack sa mga biktima matapos ang sunog.
Kasama ni Speaker Romualdez sa event sina House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo, ACT-CIS Partylist Rep. Edvic Yap, Palawan 2nd District Rep. Jose Alvarez, Western Command commander Vice Admiral Alberto Carlos, mga opisyal ng Palawan gaya nina Vice Governor Leoncio Ola, Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron at Vice Mayor Nancy Socrates.
Bago ang pamimigay ng ayuda, pinuntahan ni Speaker Romualdez ang blessing ng Palawan 3rd District – Caretaker Office na nasa Brgy. San Jose, Puerto Princesa City.
Itinayo ito noong Disyembre at sinimulang gamitin noong Enero 2024. Ito ang umaasikaso sa nasa P10 milyong halaga ng medical assistance mula sa Department of Health at nasa 8 milyong halaga ng AICS sa ilalim ng DSWD.