By James Patrick Q. Bonus
HINDI nabibili ang oras sa mundo. Pagpapala ito mula sa Itaas na dapat pahalagahan. Tulad ng salapi, mabilis din maubos ang oras kapag hindi nagagamit nang wasto. Mahalaga na ilaan ang oras na meron tayo sa mga bagay na nagbibigay saya at saysay sa ating buhay. Ngunit paano nga ba gamitin nang wasto ang ating oras? Simple lang – isipin na parang pera ito!
Masinop napaggamit
Kapag tayo ay gumagastos ng pera, dapat nating alamin kung kinakailangan ba talagang gumastos, kung may sapat ba tayong badyet pambayad, at kung ano ang mapapala natin sa gagastusin. Ganito rin dapat tayo mag-isip sa paggamit ng ating oras. Ang perang nawaldas ay maaari pang mabawi sa iba’t ibang paraan, ngunit ang nagamit na oras ay hindi na muling maibabalik, kaya ugaliing maging masinop sa paggamit ng oras.
Humiram ng naaayon
Iba-iba ang kadahilanan ng pag-utang ng pera. May umuutang pampuno sa gastusing hindi napaghandaan. Mayroon din namang nanghihiram ng salapi pandagdag puhunan sa negosyo or pambili ng gamit. Maaari tayong manghiram ng oras ng iba sa pamamagitan ng pag-arkila ng taong puwedeng gumawa ng mga bagay para sa atin katulad ng paglilinis ng sasakyan, pagkukumpuni ng nasirang gamit, o pag-aalaga sa kaanak. Ang paghiram ng oras at pera ay dapat naaayon sa paggagamitan at sa kakayahang magbayad.
Tamang pamumuhunan
Upang lumago ang pera ay kinakailangan itong ipuhunan ng nararapat. Maaaring i-invest ang pera sa iba’t ibang produktong pinansyal tulad ng stocks o kaya ay sa mutual funds. Puwede ring mamuhunan sa negosyo, or sa sarili sa pamamagitan ng pag-aaral at pagkuha ng certifications o advanced degrees. Ang oras ay maaaring ipuhunan sa makabuluhang ugnayan sa mga mahal sa buhay, o sa sarili sa pamamagitan ng pagtuon ng pansin sa mga mithiin sa buhay. Malayo ang mararating ng oras at salapi kung tama at madalas ang pamumuhunan ng mga ito.
Mahalaga ang maayos na paggamit ng salapi sa pamamagitan ng masinop na paggastos, pag-utang ng naaayon, at madalas at tamang pamumuhunan. Ganito rin sana tayo sa pagtrato natin sa ating oras. Tadaan: maaari nating mabilang kung ilan pa ang natitira nating salapi, ngunit hindi natin masasabi kung hanggang kailangan pa tayo may oras sa mundong ito.
Ang may-akda ay kasalukuyang Deputy Country Manager & Chief Finance Officer ng FinScore, isang fintech firm na tumutulong sa mga lehitimong kumpanyang nagpapautang sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya na sumusuri sa kakayahang magbayad ng nanghihiram gamit ang alternatibong impormasyon na hindi tradisyonal na ginagamit sa pagpapautang. Pumunta sa https://ccmobile.ph/establish-your-financial-persona para malaman ang iyong telco credit score ng walang bayad.