PAMAMARIL SA 3 KASAPI NG CAA KINONDENA

MAGUINDANAO DEL NORTE – KINONDENA ng pamunuan ng Joint Task Force Central ang pamamaril sa mga kasapi ng civilian active auxiliary (CAA) sa Sitio Simway, Edcor, Buldon sa lalawigang ito kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Major General Roy M Galido, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry (Kampilan) Division na hindi makatarungan ang pagpaslang sa mga miyembro ng CAA na nagbabantay lamang ng inaayos na tulay.

Sa ulat na nakarating kay Col. Eric Macaambac, commander ng 1st Marine Brigade nagbabantay sa inaayos na tulay na nasira dahil sa pananalasa ng ‘Tropical Storm Paeng’ ang mga biktima nang pagbabarilin ng mga armadong suspek.

Kinilala ang mga nasawi na sina CAA Christian Silvestre; CAA Ignacio Lozada; at CAA Dondon Ahito habang sugatan naman sina CAA Arnel Cayanan at CAA Calbertson Baggay.

Kinuha rin ng mga suspek ang apat na M14 rifle ng mga biktima.

Kaugnay nito, inatasan na ni Galido ang mga tauhan nito na tugisin ang mga responsable sa nasabing krimen.
VERLIN RUIZ