MAGUINDANAO – DALAWA katao ang nasawi habang apat ang sugatan sa naganap na pamamaril sa pagsisimula ng botohan ng Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) kahapon ng umaga sa Maguindanao del Norte.
Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Juhaimin Ube, at isang alyas ‘Mistake’ na kapwa nagtamo ng mga tama ng bala ng baril sa ulo.
Naganap ang pamamaril ng ala-6 ng umaga bago ang pagbubukas ng botohan sa Brgy. Bugawas , Cotabato-Shariff Aguak Road, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ng nabanggit na lalawigan.
Nakapila na umano ang nasa 400 botante na nag-aabang sa pagbubukas ng polling precinct nang biglang sumupot ang itim na Hilux lulan ang mga armadong indibiduwal na nagsimula sa pamamaril.
Nabatid na ang mga biktima ay natukoy na taga-suporta ng isang kandidato sa pagka-barangay chairman.
Mabilis naman tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril.
Nagkakagulo ang mga taga-suporta ng magkaribal na kandidato sa lugar nang maganap ang pamamaril.
Ilan sa mga suspek ay kinilalang sina Romar Abas, alyas Mok; Keds Lidasan, alyas Keds , Michael Abas at Teng Kapaya.
Dahil dito, nagtakbuhan ang mga boboto kung kaya’t inilipat ang botohan mula sa Bugawas Elementary School sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte sa kalapit na barangay covered court matapos ang insidente. EC