BUKIDNON-TINIYAK ngayon ng pamunuan ng Philippine National Police na masusi nilang iimbestigahan ang naganap na pamamaril sa grupo ni presidential aspirant Ka Leody De Guzman na ikinasugat ng apat katao sa bayan ng Quezon sa lalawigang ito.
Una nang pinabulaanan ng Quezon Municipal Police Station na si Ka Leody ang siyang target ng pamamaril sa isang plantasyon na umano’y pag-aari ng isang alkalde na tinangkang pasukin ng mga katutubong Manobo na sinamahan ng grupo ng presidential aspirant.
Kaugnay nito, inihayag ng PNP na lubhang maaga pa para ideklarang election-related ang nangyaring pamamaril sa grupo ni Ka Leody.
Ayon kay PNP chief Police General Dionardo Carlos, kasalukuyang nagsasagawa na sila ngayon ng malalimang imbestigasyon ukol sa pangyayari, kabilang na rito ang pagtukoy sa mga circumstances ng insidente.
Una rito, sinabi ng Bukidnon PNP na walang proper coordination sa mga awtoridad ang grupo ni Ka Leody sa pagbisita sa lugar na may standing court case.
Magugunitang inihayag mismo ni Ka Leody na may nagpaputok habang nakikipagpulong siya sa ilang indigenous group sa Barangay Butong sa bayan ng Quezon ng nasabing lalawigan para alamin ang kanilang mga suliranin partikular sa usapin ng “land grabbing”.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng PNP ang mga kandidato sa halalan na i-coordinate nang maayos ang kanilang mga aktibidad sa pulisya para mabigyan ng maayos na seguridad.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief BGen. Roderick Augustus Alba, hindi naman ipinagbabawal ang area security lalo na sa identified high-risk zone.
Aniya, ang ipinagbabawal lamang ay ang pagkuha ng body guards na walang Certificate of Authority mula sa Comelec.
Iniimbestigahan na rin ng Commission on Elections (Comelec) ang nasabing insidente.
VERLIN RUIZ