PAMAMASYAL AT ANG KALIGAYAHANG DULOT NITO

PAMAMASYAL-3

MASARAP at masaya sa pakiramdam ang pagtungo sa iba’t ibang lugar. Hindi nga naman maitatangging naliligayahan tayo sa tuwing nakatutuntong sa isang lugar na bago sa ating paningin at pakiramdam.

Ngunit dahil abala ang marami sa atin, okay lang naman kahit na sa malapitan lang mamasyal o magtungo. Marami rin kasing lugar sa Metro at mga karatig nito ang puwede nating dayuhin—saglit man o matagalan.

Maraming dulot sa atin ang pamamasyal, mag-isa man tayo o kasama ang buo nating pamilya’t mga kaibigan. Kaligayahan, isa iyan sa nai­dudulot sa atin ng pamamasyal. Hindi nga lang naman napangingiti nito ang ating mga labi kundi maging ang mata at puso. Sa tuwing nakikita nga naman natin ang kagandahan ng isang lugar, ligaya ang handog nito sa atin. Nare-relax din tayo.

Ikalawa, nagkakaroon tayo ng panibagong experience. Ang pagkakaroon ng panibagong experience sa buhay ay nakatutulong upang mag-mature ang ating isipan at gayundin ang pagkilos.

Ikatlo, natuturuan din tayo nitong i-manage ng maayos ang oras at ma­ging matalino sa paggastos.

Nabibigyan din tayo nito ng pagkakataong mag-isip ng mas mabilis at magdesisyon sa ikabubuti natin.

Panghuli, nabibigyan tayo nito ng bagong pag-asa. Nakatutulong ang pagtungo sa ibang lugar upang ma­ging positibo ang pananaw at pagtingin natin sa mga bagay-bagay. Oo nakalulungkot ang mga nangyayari sa paligid. Ngunit kung nakararating tayo sa ibang lugar, ang tila lumbay nating puso ay nabibigyan ng panibagong buhay at pag-asa.

Mag-isa man tayong mamamasyal o may kasama, ligaya at bagong pag-asa ang dulot nito sa atin. Kaya naman, habang may panahon at pagkakataon, sikapin na ang makapamasyal—sa loob man o labas ng bansa.

Comments are closed.