IPINAGDIRIWANG sa buong buwan ng Mayo ang National Heritage Month.
Sa Filipino, Pambansang Buwan ng Pamana.
Pinagtibay ito ng Presidential Proclamation No. 439, s. 2003, kaya ating ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-20 anibersaryo ng Buwan ng Pamana. Layon nito na palalimin sa ating mga Pilipino ang pagkilala at pagmamahal para sa ating sariling kasaysayan at kultura.
Ang tema para sa taong ito ay “Heritage: Change and Continuity.” Mahalaga ang pangangalaga sa ating tradisyon at kultura sa gitna ng mabibilis na mga pagbabago sa mundo. Mayroong apat na bahagi ang tema: Sustainable Heritage Management, Heritage Science, Intangible Cultural Heritage, at Urban Heritage.
Makulay at mayaman ang tradisyon natin sa Pilipinas—mula sa mga sinaunang kaugalian hanggang sa mga likhang sining, arkitetura, atbp. na nagawa sa loob ng mahabang panahon. Dahil kalat-kalat ang kapuluan dito sa atin at dahil sinakop tayo ng mga banyaga makailang beses, nagdulot ito ng maraming impluwensiya sa ating kultura, tradisyon at sining. Ibig sabihin, mayaman at bukod-tangi ang mga pamanang dapat nating patuloy na ingatan. Ito rin ay isang pagkakataon para maipakita natin sa mundo ang tunay nating katauhan bilang mga Pilipino.
Mahalaga ang aktibong partisipasyon ng publiko sa pangangalaga ng ating kultura at kasaysayan. Ang mga komunidad at mga institusyong pangkultura ay may mahalagang papel na kailangang gampanan bilang bantay ng kasaysayan, sining at pamanang pangkultura. Halimbawa, may mga pagkilos namang nagaganap upang ingatan ang mga ancestral homes at mga lumang simbahan sa bansa, na ang karamihan ay kinikilala na bilang world heritage sites.
Importante ang gawain ng National Museum of the Philippines at iba pang lokal na heritage conservation organizations sa pangangalaga ng mga bagay (artifacts), gawang sining, at mga dokumento ng kasaysayan. Ang mga ito ay nagsisilbing daan upang masilip natin ang ating nakaraan o kasaysayan bilang bansa at bilang mga Pilipino.
(Itutuloy)