SINIMULAN na ng lokal na pamahalaan ng Makati ang pamamahagi ng Pamaskong Handog tickets na may kasamang face shields para sa Makatizens.
Napag-alaman kay Makati City Mayor Abby Binay, ang mga libreng face shields ay dagdag sa Pamaskong Handog tickets na ibinibigay ng mga city personnel sa mga bahay-bahay na nagsimula noong Nobyembre 2.
Sinabi ni Binay, aabot sa 240,000 Christmas gift bags ang ipapamahagi sa ProudMakatizens na ang mga benepisyaryo nito ay senior citizens, persons with disabilities (PWDs), solo parents, registered jeepney/tricycle operators and drivers gayundin ang mga city hall at barangay employees.
“Matapos na mapagkalooban ng mga libreng facemasks at shields ang aming mga empleyado para makapagtrabaho sila ng ligtas ay mamimigay naman kami ng mga protective items na ito sa mga residente. Gusto po namin na mapanatili nila ang kanilang kalusugan at maging ligtas lalo pa na paparating na ang Christmas season,” ani Binay.
Idinagdag pa, ang Christmas gift bags na ipamamahagi sa mga residente ay naglalaman ng Makatizen shirt, tatlong lata ng tuna flakes in oil, tatlong lata ng tuna flakes caldereta, tatlong lata ng corned beef, isa ng lata ng luncheon meat, dalawang lata ng vienna sausage, isang pack ng spaghetti sauce, isang pack ng pasta, isang lata ng fruit cocktail, isang lata ng condensed milk, isang pack ng cheese, at isang all-purpose cream.
Binigyang diin ng alkalde, bagaman limitado na lamang ang mapagkukunan ng pondo ng lungsod dulot ng COVID-19 pandemic ay nararapat pa rin pagkalooban ang Makatizens ng Christmas gift bag lalo pa sa panahong kinakailangan nila ito. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.