IGINIIT ni Senador Raffy Tulfo nitong Lunes na oras na para magkaroon ng pambansang organisasyon ang mga vlogger na magre-regulate ng kanilang content at tutulong sa pagsugpo sa paglaganap ng fake news sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Labor Employment and Human Resources Development sa Media Workers’ Welfare Act, pinatunayan ni Tulfo, na mismong may karanasang magtrabaho sa industriya ng media, na ang tradisyonal na media ay hindi nag-uulat ng maling impormasyon sa publiko dahil mayroon silang mga superyor na nangangasiwa ng kanilang trabaho.
“I know that for a fact na ‘yung regular TV stations, hindi ‘yan nagpapalabas ‘yan ng mga fake news.
‘Yung mga radio stations, maging sa mga newspaper. Maliban na lang siguro sa mga vloggers na walang nire-reportan na amo o kompanya. Independent. ‘Yun ang nakakatakot. Doon nag-uumpisa ang fake news,” ayon kay Tulfo.
Gayunpaman, ipinunto ni Tulfo na maraming mga independent vlogger ang nananatiling responsable sa paglalabas ng kanilang content.
“I don’t know if this needs legislation na magkaron ng ‘Kapisanan ng mga Vloggers sa Pilipinas’ or something to that effect na para magkakaroon ng policing…among their ranks na para maging responsable na sila, that they should be recognized by the government,” ani Tulfo. LIZA SORIANO