TULOY na tuloy ang ‘Pambansang Pabahay Para Sa Pilipino Program’ ni Pang. Ferdinand Marcos Jr.
Katunayan, marami nang naisagawang groundbreaking ceremonies para sa proyekto sa ilang lugar sa bansa.
Kamakailan, pinangunahan nga nina PBBM at House Speaker Martin Romualdez ang kaparehong aktibidad sa South Coastal Urban Development Housing Project sa Basak San Nicolas, Cebu City.
Dumalo rin sa event sina Cebu Governor Gwendolyn Garcia, Human Settlement and Urban Development Secretary Jose Rizalino ‘Jerry’ Acuzar at Cebu City Mayor Michael ‘Mike’ Rama.
Sinasabing ito’y bilang tugon sa programa ng administrasyon na magpatayo ng isang milyong bahay kada taon.
Aminado ang Presidente na isang malaking hamon para sa DHSUD ang programa sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Tinatrabaho na naman ng kanyang administrasyon ang backlog sa housing project na umabot na sa 6.5 milyon. Sa tulong ng DSHUD, pagkakalooban ng 30,000 housing units ang mga taga-Cebu at ito ay maisasakatuparan sa paglulunsad ng programa.
Pinatitiyak ng Pangulong Marcos na ang mga housing units na itatayo ay disaster-resilient habang plano raw ng gobyerno na magtayo ng mga pasilidad tulad ng mga paaralan, pamilihan at health center na malapit sa mga housing units.
Dapat nga raw manatiling matatag ang ahensya upang matupad ang pangakong mura at maayos na pabahay.
Unang gagawin daw ang sampung 20-storey buildings sa loob ng 25-ektarya at makikinabang dito ang humigit-kumulang 8,000 pamilyang informal settler at nasa low-wage earners ng lungsod.
Binubuo daw pala ito ng tatlong bahagi sa iba’t ibang lugar sa Cebu City na sumasaklaw sa kabuuang 60 ektarya, bagay na kinumpirma rin ni Speaker Romualdez.
Samantala, magandang balita para sa mga guro ang isinusulong ni Quezon City Rep. Marvin Rillo na doblehin ang annual budget para sa kanila hanggang P1.5 bilyon.
Sa ganitong paraan daw, aba’y mas mapapalalim pa ang kakayahan at kaalaman ng mga titser sa mga pampublikong paaralan pagdating sa pagtuturo ng English, Mathematics at Science.
Maigi raw na ang Department of Education ngayon ay nakikipag-ugnayan sa public at private institutions upang maikasa ang in-service training program na magpapalago sa expertise ng mga public school teachers.
Saludo po kami sa inyo, Cong. Rillo.
Good job po, bossing!