(Pambili sana ng laptop) P35K NA IPON INANAY

DAVAO ORIENTAL- PERA na naging anay pa!

Ito ang hinagpis ng isang ginang matapos kainin ng anay ang inipong pera na ina itinago sa isang kahon sa lalawigang ito.

Makikita sa video ang pag-iyak at panghihinayang ni Sherell Ampong sa inipong pera na nagkasira-sira at halos hindi na matukoy ang halaga.

Napag-alaman na inipon ng ginang ang pera para pambili ng computer at laptop ng kanyang anak.

Gayunpaman, sa halip na ilagay sa bangko ay sa karton na lamang inilagak ang pera.

Makalipas ang ilang buwan ay laking gulat na lamang ni Sherell nang makitang nagkawasak –wasak ang kanyang pera.

Batay sa pahayag ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), maaring mapalitan ang nasirang banknotes o pera kung buo o intact pa ang 60% ng features nito at makikita pa ang facsimile signatures at buo pa ang windowed security thread.

Kaya payo ng BSP, upang matiyak na ligtas ang pera , ilagak sa bangko habang ito ay nagkakainteres. EUNICE CELARIO