PAMILYA NG BIKTIMA SA KASONG RAPE WITH HOMICIDE DISMAYADO SA HATOL NG KORTE

lopez

QUEZON- MAKALIPAS ang walong taon, hinatulan na ng guilty sa kasong homicide ang isang dating criminology student na humalay at pumatay sa 15-anyos na kapitbahay nito sa Brgy. Hondagua sa bayan ng Lopez sa lalawigang ito.

Batay sa desisyon ni Calauag RTC Branch 63 Presiding Judge Julieto Fabrero, napatunayan na pinatay ng akusadong si Marxell Kenneth Malabon ang biktimang si Allysa Joy Cortes na natagpuan ng mga pulis sa kabilang barangay sa masukal na taniman ng niyog sa Brgy. Matinik, Lopez, Quezon noong gabi ng Mayo 1, 2015.

Pinatawan ng 8 hanggang 14 na taong pagkabilanggo si Malabon at pinagbabayad ng P75,000 ‘civil indemnity’, P75,000 ‘moral damages’ at P50,000 ‘exemplary damages.’

Samantala, bagaman parang nabunutan umano ng tinik si Ginang Mennen Cortes, ina ng biktima, malungkot at dismayado naman ito dahil pakiramdam niya ay hindi nakamit ang lubusang hustisya.

Sa naging desisyon ng korte, tanging sa kasong homicide lamang guilty si Malabon at nadismiss ang kasong rape makaraang hindi napatunayan sa pagdinig ang kasong rape with homicide.

Nabatid na lumipas pa ang ilang buwan bago naisampa ang kasong Rape with Homicide laban kay Malabon sa tulong na rin ni dating Quezon PD Ret. Gen. Ronnie Ylagan; dating 4th Dist.Congresswoman at ngayon ay Quezon Governor Helen Tan at DWIZ Anchorman Radio Journalist David Oro.

Dahil dito, agad naglabas ng Warrant Of Arrest subalit nakapagtago so Malabon sa batas ng halos 3 taon bago naaresto sa Tagaytay City noong 2018 at nakulong sa BJMP sa bayan ng Lopez, Quezon na lubos na pinagpasalamat ng ina at kaanak ng biktima sa mga tumulong at sumuporta sa panahong dinidinig ang kaso. BONG RIVERA