NANAWAGAN ang volunteer lawyer ng mga biktima ng Maguindanao massacre na si Atty. Nena Santos sa Philippine National Police (PNP) gayundin sa mga local government units na makipag tulungan para sa agarang ikadarakip ng 80 suspects na sangkot sa natur-ang krimen na patuloy pa ring pinaghahanap.
Sa ginanap na weekly Report to the Nation media forum ng National Press Club, sinabi ni Atty. Santos na panahon ng tugisin ang 80 at large na suspects na pinaniniwalaang namamalagi lamang sa bahagi ng Mamasapano, Maguindanao.
Bukod pa rito, umapela rin ang abogado ng mga pamilya ng biktima sa Department of Justice (DoJ) na padaliin ang kanilang hinihntay na resolution mula sa DoJ hinggil sa 50 pa na kanilang kinasuhan na sangkot sa nabanggit na krimen.
Kasunod nito, hiniling din ni Atty. Santos kay Justice Secretary Menardo Guevarra na muling silipin ang Witness Protection Program dahilan sa marami silang natatanggap na reklamo mula sa mga saksi hinggil sa hindi maibigay na mga benepisyo ng programa katulad na lamang ng P10,000 kada buwan na allowance.
Kaalinsabay nito, nagpahayag naman ng katuwaan si Atty. Santos sa naging resulta ng desisyon sa kaso dahilan sa napanagot ang mga prime suspects kung kayat ikinagalak din ito ng 38 pamilya ng mga nasawi.
“Fair and just naman, evidence based, may konting tanong lang kami dahil sana isinama na rin si Sajid,” pahayag ni Atty. Santos.
Nanawagan din at hinamon naman ni Atty. Santos ang pamunuan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na tumulong sa pangangalap ng impormasyon para sa ikabibilis ng pag-aresto sa 80 nawawalang suspects na aniya’y nasa paligid lamang ng Mindanao.
Isiniwalat din ng abogado ang kanyang patuloy na natatanggap na death threaths simula pa noong kanyang tanggapin ang kontrobersiyal na kaso hanggang sa ngayon ay hindi pa rin nawawala ang pananakot at pagbabanta sa kanyang buhay. BENEDICT ABAYGAR, JR.