PAMILYA NG NAMATAY AT SUGATANG PULIS SA TAGUIG CITY TUTULUNGAN

INIHAYAG ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na magpapaabot ito ng tulong sa naulilang pamilya ni Executive Master Sergeant Heriberto Saguiped at sugatang si Cpl. Alison Sindac matapos ang madugong shooting incident sa loob mismo ng Headquarters ng Taguig City Police Station.

Nakasaad sa official statement ng PNP, ipinamamadali na ang pagproseso sa benefit claims ni Saguiped at Sindac na pawang mga biktima sa nasabing insidente.

Kasabay nito, tiniyak din ng PNP na sesentro ang kanilang imbestigasyon sa suspek na si CMS Alraquib Aguel na sinasabing mayroong “underlying medical condition.”

Ngunit paglilinaw ng PNP, ang insidente ay isolated case lamang.

Ayon kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda Jr., kasalukuyan nang inaasikaso ng pulisya ang pagsasampa ng kasong frustrated murder at frustrated homicide laban sa suspek habang titingnan din ang medical history records nito upang alamin kung mayroon pang ibang dahilan na posibleng naging sanhi ng naganap na madugong insidente.

Matatandaan na si Aguel ang pulis na nag-amok at namaril sa kanyang mga kasamahang pulis matapos na magalit dahilan sa ulam na sinigang na baboy na mahigpit na ipinagbabawal sa kanyang relihiyon ang pagkain nito.
EVELYN GARCIA