PAMILYA NG OFWs UNANG MAKIKINABANG SA PHILHEALTH

philhealth

NILINAW ng PhilHealth na hindi pahirap kundi investment sa kalusugan ang pagkakaroon ng health insurance dahil ito ang sasagot sa malaking bahagi ng gastusin sakaling may magkasakit sa pamilya na naiwan ng OFWs sa bansa.

Ito ang ipinahayag ng ahensiya sa gitna ng pangambang maraming OFWs ang lalabas ng bansa sa ilegal na paraan dahil sa napipintong pagtaas ng kontribusyon na hinihiling na bayaran bago pa sila mag-abroad.

“Ang adjustment sa kontribusyon ay itinadhana mismo ng Universal Health Care Act of 2019 upang matustusan ang paglawak ng mga benepisyong ipagkakaloob sa mamamayan kasama na ang OFWs,” ani BGen. Ricardo Morales, Pangulo at Punong Tagapagpatupad ng ahensiya.

Ayon sa Batas UHC, tataas mula sa kasalukuyang 2.75% hanggang 5% sa susunod na limang taon ang kontribusyon ng Direct Contributors kung saan kabilang ang OFWs. Sa unang taon ay lumalabas na mula 9 hanggang 46 piso kada araw depende sa kinikita ang magiging kontribusyon nila sa Programa. Ito ay itinuturing na pinakamababa pa rin sa bansa kumpara sa mga private health insurance.

Sa UHC, ang bawat Filipino kasama ang OFWs ay magkakamit ng mas pinagbuting benepisyo sa pagpapaospital, outpatient at expanded primary care package (ePCB) na hindi na kailangang magkasakit para lamang magamit. Kabilang sa ePCB ang konsultasyon sa doktor, preventive at promotive services, mga laboratoryo at gamot sa hypertension, diabetes, asthma at iba pa.

“Hindi ito dapat tingnan na pahirap dahil napakalaki ng tulong nito sa OFWs para sa kanilang kapanatagan. Ang pahirap ay ang gastusin dahil sa malubhang karamdaman na madalas ay ipinangungutang ng mga kababayan natin,” paliwanang niya.

Ayon pa kay Morales, kinonsulta at masusing tinalakay ito sa iba’t ibang grupo ng OFWs at employers bago pa naisabatas ang UHC. Patuloy din ang kanilang pakikipag-usap sa Philippine Overseas Employment Administration kung paano lalong mapapadali ang proseso ng pagbabayad bilang tugon na rin sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pasimplehin ang mga sistema at proseso sa mga ahensiya ng gobyerno.

“Walang kapalit ang hatid nitong peace of mind sa ating OFWs. Payapa silang makakapagtrabaho sa ibang bansa dahil alam nila may PhilHealth coverage ang kanilang mga mahal sa buhay,” pagdidiin ni Morales.

Samantala, naniniwala ang PhilHealth na matutuldukan na ang isyu ng korapsiyon dahil kasalukuyan nang iniimbestigahan ng iba’t ibang ahensiya ang napabalitang P154 bilyon lugi dahil umano sa overpayments at insurance fraud.

Ito ay reaksyon sa ulat ng Presidential Anti-Corruption Commission kung saan nakasama ang diumano’y P154 bilyong lugi batay sa pinanini-walaang unverified report ng isang kilalang broadsheet nitong Hunyo.

Una nang ipinaliwanag ng PhilHealth na wala itong katotohanan at nananatiling akusasyon lamang na dapat patunayan ng nasabing broadsheet. Ipinayo rin  na hintayin na lamang ang resulta ng imbestigasyon ng Commission on Audit, Insurance Commission, National Bureau of Investigation, at ng PACC.

Aniya, may sarili rin silang inquiry para malaman ang katotohanan at maparusahan ang mga tiwaling opisyal at empleyado kung mapapatunayan.