PAMILYA NI LACSAMANA SIGAW ANG HUSTISYA

NUEVA ECIJA – PATULOY ang hiling ng hustisya ng pamilya at mga  kaanak ni Eng. Manuel Lacsamana, ang pinaslang na media member noong Sabado ng gabi sa Cabanatuan.

Matatandaang  alas-11:30 ng gabi, lulan ng kulay pulang sasakyan, na may plakang NI 0836, ang biktima  habang papauwi nang paputukan ito ng hindi nakilalang mga suspek na armado ng maikling kalibre ng baril sa  nabanggit na lugar.

Si Lacsamana ay opisyal ng Central Luzon Media Association Inc. bilang Chairman of the Board.

Ayon naman kay CLMA Regional President Mel Ceriaco, na mula sa isang local radio station, doon na  bibigyan ng luksang parangal si Lacsamana sa darating na Huwebes ng gabi.

Sa  darating  na Biyernes,  sabayan na magkakaroon ng Red Friday protest ang lahat ng mamamahayag sa buong bansa sa kanila-kanilang mga press corps kung saan magsusuot ng kulay pulang  t-shirt.

Sa Maynila, pangungunahan ni Media Diver’s President Carlo Mateo ng DZBB ang naturang pagkondena  kasama ang grupo ng Manila Police District Press Corps, Justice Reporters Organization, Justice   Correspondents and Reporters Association, Bulacan Press Club Inc., Northern Police District Press Corps, Kaugnay Defence Press Corps, at iba pang media organizations.

Layon nitong kondenahin, sa mapayapang pamamaraan, ang ginawang pamamaslang sa kagawad ng media  sa lalawigan ng  Nueva Ecija.

Ibabandera rin sa mga tarpaulin ang katagang “Katarungan! stop Media Killings!, kasabay nito’y aapela rin ang grupo sa Philippine National Police at sa National Bureau of Investigation na maglulunsad ng malalimang imbestigasyon upang mapanagot ang nasa likod ng pagpatay kay Lacsamana.

Kasabay rin nito’y magkakaroon ng  sabayang  pagtitirik ng kandila ganap na alas-6:00 ng gabi bilang bahagi ng pakikiramay sa pamilya ni Engr.Lacsamana.

Sa datos ng National Union Journalist of the Philippines nito lamang Mayo 3 ng 2018, si Lacsamana ay  pang-siyam na sa mga pinatay na media habang nasa 85 naman ang dumanas ng mga pag-atake sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte. THONY ARCENAL 

Comments are closed.