NORTH COTABATO- PATAY ang tatlo katao habang tatlong iba pa ang malubhang nasugatan nang ratrating ng mga hindi pa nakikilalang suspek ang bahay ng isang pamilya sa Barangay Poblacion, Matalam.
Ayon sa Matalam Municipal Police Station, nasawi sa pamamaril ang mag-asawang sina Joe Getalla at Ernesta Getalla, kapwa 70-anyos.
Patay rin ang kanilang anak na si Lorena Getalla, 40-anyos.
Sugatan ang tatlo pang kaanak na sina Jose Getalla, Emelita Getalla at Daryl Getalla na nasa katabing bahay.
Ayon kay Matalam Police Chief Police Major Brian Placer, naghahapunan ang mga biktima nang biglang sumalakay at paulanan ng bala ang kanilang bahay ng mga hindi pa kilalang salarin.
Lumalabas sa pagsisiyasat na si Daryl ang talagang target ng mga suspek at alam nitong may banta sa kanyang buhay kaya nakipagpalit ito ng bahay sa mga magulang.
“Si Daryl ang target tapos ‘yung bahay kung saan ang mga matatanda, bahay niya ‘yun. Parang nag-swap sila, doon niya pinatulog ang nanay niyang si Lorena pati ‘yung mga matatanda, tapos siya roon sa katabing bahay,” paliwanag ni Placer.
Nakuha sa crime scene ang 11 basyo ng bala ng M-16.
Kasalukuyan nagpapatuloy ang pagsisiyasat sa kaso at inaalam ang motibo ng mga hindi pa nakikilalang salarin. VERLIN RUIZ
Comments are closed.