SULTAN KUDARAT- ISANG malawakang manhunt operation ang inilunsad ng PNP-Police Regional Office 12 laban sa mga armadong kalalakihan na sinasabing nasa likod ng brutal na pagpatay sa apat na miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang bata sa nasabing lalawigan.
Ayon kay Brig. Gen. Alexander Tagum, Regional Director ng PNP-PRO12, tuloy tuloy ang ginagawa nilang pagtugis sa mga salarin para managot sa ginawang pagpatay sa isang pamilya sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat na ikinasawi ng apat na miyembro nito.
Sa inisyal na ulat ng Lebak Municipal Police Station nitong Miyerkules, pinagbabaril ng mga suspek sina Jimmy Capisenio, 59-anyos; asawang si Aida, 58-anyos; kanilang apo na sina Jimmy Pakamanan, 11-anyos at Esmairha Capisenio, 8-anyos na pawang residente ng Center 1, Barangay Taguisa sa nabanggit na bayan.
Sinasabing nangunguha lamang ng talaba at tahong ang mga biktima sa tabing dagat sakop ng Sitio Tuka sa Barangay Datu Karon nang pagbabarilin sila ng mga suspek gamit ang M-16 armalite rifles.
Habang sugatan naman si Jay-ar Kamaman Capiceño, 28-anyos na tinamaan sa hita at agad na dinala sa Sultan Kudarat District Hospital.
Kasalukuyang inaalam pa ang kakikilanlan ng ibang suspek at motibo sa likod ng karumal-dumal na krimen
Ayon kay Maj. Joel Martinez, hepe ng Lebak Municipal Police Station, nakikipag- ugnayan ang mga imbestigador sa mga traditional community leaders at barangay officials para sa ikadarakip ng mga suspek.
Ayon kay Martinez, nangyari ang walang habas na pamamaril sa magkapamilya sa Salunganan, Sitio Tuka, Barangay Datu na sakop ng 104th Base Command ng MILF Community kung saan nakilala ang mga suspek na sina Den Den Rakman Saludin, Dick Datumanong at isang pang unidentified na kasama ng mga ito na pawang kasapi umano ng 104th MILF Base Command. VERLIN RUIZ