BATAAN – ARESTADO ang pito katao na miyembro ng isang pamilya ang inaresto dahil sangkot umano sa droga sa Barangay Bilolo, Orion.
Sinalakay ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Unit (PDEA) sa liderato ni PDEA Director General Wilkins Villanueva at Orion PNP sa ilalim ng pamumuno ni P/Maj Jeffrey Onde ang lugar makaraang magpositibo ang buybust na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek.
Nakilala ang mga nadakip na suspek na mag-anak na sina Mario Sarmiento,59 anyos, padre de pamilya, na 12 taong nakulong sa kaso ng iligal na droga at asawa nitong si Grace Sarmiento, 58 anyos; Edward Sarmiento, 35 anyos (anak); Jocelyn Gutierrez, 39 anyos (manugang); Dennis Gonzales, 28; Aries Angeles at Jerome Rodriguez (kapitbahay), habang nakatakas ang isa pang Edison Sarmiento na anak ng mag-asawang suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang ilang pakete na abot sa 13 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na abot sa P88,000; weighing scale at marked money na ginamit sa buybust.
Base sa talaan ng pulisya, bukod sa iligal na droga, sangkot din umano ang mga suspek serye ng carnapping at pagnanakaw. ROEL TARAYAO/ THONY ARCENAL