(Pamilyang nagtutulungan para sa kinabukasan) PAGTATANIM NG TABAKO ANG IKINABUBUHAY

GAGAWIN lahat ng paraan para mai­taguyod ang kina­bukasan ng pamilya, isa na rito si Benjamin Alejo Sr., 62-anyos, magsasaka na umaasa at ang ikinabubuhay ay ang pagtatanim ng tabako sa Alfonzo Lista, Ifugao.

Si Tatay Ben at ang kanyang asawa na si Nanay Caridad ay namulat at nagka-isip na sa Sitio Fugo, Brgy San Juan na binayayaan ng siyam na anak.

Ang kanilang bukirin ay hindi kalayuan sa kanilang tahanan kaya hindi naging mahirap para sa kanila na ala­gaan ang kanilang pananim.

Mais ang unang itinatanim ng pamilya ni Tatay Ben na kapag natapos na, isusunod naman na itatanim ang tabako na siyang pinagkukunan nila ng kabuhayan.

Kuwento ni Tatay Ben sa Pilipino Mirror, sa kanilang pagtatanim ng tabaco ay wala silang agam-agam sapagkat sa loob lamang 75 na araw ay maari na nilang anihin ang mga dahon at ilalagay na nila sa curing barn upang matuyo na tatagal ng 20 araw. Kapag tuluyan nang natuyo ay iba-bundle na nila ito at dadalhin sa isang malaking kumpanya.

Ani Tatay Ben, ang tabako ay hindi katulad sa mais na kapag inani ay kaila­ngan pang ibenta ito sa pamilihang bayan samantalang ang  tabako ay naka-insured pa kung ito ay masira man ng peste tulad ng army worm o rice bug.

Aniya, ang kumpanyang binabagsakan nila ng inaning tabako ay nagbibigay ng cash aid para sa krudo, fertilizer at patubig sa kanilang sakahan kaya malaking ginhawa sa kanilang magsasaka ang pagtatanim nito.

Ayon kay Tatay Ben, ang kanyang mga anak na may sarili na rin pamilya ay katuwang niya sa pagtatanim ng tabako sa katunayan dalawa sa anak nito sa kolehiyo ay agrikultura ang kurso upang mas lalo pa nilang pagyamanin ang kanilang munting lupain.

Ang pamilya Alejo at mga kamag-anak nito ay namulat sa  pagtatanim ng tabako kung saan ay nakapagpundar sila ng bay at farm equipment gayundin ang kanilang mga anak ay nakapag-aral sa tulong ng kanilang pagtatanim ng tabako.

Kaya’t payo ni Tatay Ben, huwag hayaan at sayangin ang lupain na pang-agrikultura. IRENE GONZALES