PAMIMIGAY NG CASH GIFT SA SENIOR CITIZENS NG PASIG, SINIMULAN NA

cash gift

PINANGUNAHAN ni Konsehal Junjun Concepcion kaninang umaga ang pamamahagi ng P3,000 cash gift mula sa Pamahalaang Lungsod ng Pasig para sa mga senior citizen ng Brgy. Pinagbuhatan at San Miguel.

“Malapit sa puso natin ang mga lolo’t lola kaya nakiusap tayo kay Mayor Vico na bigyan niya tayo ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga senior natin at ipadama sa kanila ang pagpapahalaga ng city government,” ang sabi ni Concepcion.

Matatandaan na ipinalinis ni Mayor Vico ang listahan ng mga senior citizen dahil ayon sa huling datos, hindi ito akma at magulo kaya nagdulot ng kalituhan at pagkadismaya ng maraming pamilya.

May natuklasan kasi sa rekord na may mga nasa listahan pa ngunit matagal na itong pumanaw at na mayroon ding doble-doble ang pangalan.

Tiniyak din noon ng alkalde na may team mula sa city hall ang bababa sa mga barangay upang magsagawa ng satellite registration nang sa gayon ay hindi na kaila­ngan pang pumunta ng mga senior citizen sa OSCA office sa city hall.

“Maghintay-hintay lang po ang ibang mga barangay, dahil tulad ng ‘Pamaskong Handog,’ titiyakin din ng ­ating Mayor Vico na lahat ay makatatanggap,” pagtatapos ni Concepcion.

Sisikaping matatapos ang pamimigay sa iba pang mga barangay bago dumating ang Pasko.

Comments are closed.