PAMMADAYAW 2018 NG KWF: PAGDIRIWANG NG FILIPINO BILANG WIKA NG DAIGDIG

KWF-2

Ang “Pammadayaw: Araw ng Gawad 2018” ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at ng Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP) ay gginanap kahapon sa Sentrong Pangkultura ng Filipinas (CCP) sa Lungsod Pasay.

Ang Pammadayaw, isang programa sa pagpaparangal, ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa sa Filipinas tuwing Agosto. Ang aktibidad ay nagtatampok ng mga gawad pangwika at ng mga nagwagi sa mga timpalak na itinaguyod ng KWF.  Ang ilan sa mga gawad na ito ay ang Kampeon ng Wika, Dangal ng Wika, Gawad KWF sa Sanaysay, at Selyo ng Kahusa-yan sa Wika at Kultura.

Ang hihiranging Dangal ng Wika na si Maria Stanyukovich, antrolopogong Ruso at tagapagtaguyod ng Araling Filipinas, ang siyang nagbigay ng tampok na panayam hinggil sa estado ng wikang Filipino sa Russia. Mauugat ang pag-aaral ng wikang Filipino sa Russia sa mga naunang Rusong iskolar at lingguwista gaya nina Peter Pallas (ika-18 siglo) Peter Dobell (ika-19 siglo), at nina Sergey Bulich, Eugene Palivanov, at Roy Franklin Barton (ika-20 siglo).  Ipinagpapatuloy ng Moscow State University at Saint Petersburg University ang tradisyong ito ng pagtuturo at pag-aaral ng mayamang wika at kultura ng Filipinas.

Si Stanyukovich, na kasalukuyang puno ng Departamento ng Australia, Oceania, at Indonesia ng Kunstkamera Museum sa Saint Petersburg, ay nagsagawa ng puspusang pananaliksik sa mga epiko ng Filipinas. Ang pinakakomprehensibong saliksik niya ay hinggil sa Hudhud ng mga Ifugaw.

Iginawad din ang Dangal ng Wika sa Dulaang UP, ang opisyal na grupong panteatro ng Unibersidad ng Pilipinas. Simula sa pagkakatatag nito noong 1970s, pinangunahan ng Dulaang UP ang mga pagsasalin at adaptasyon sa wika at kulturang Filipino ng mga klasikong dula ng daigdig.

Si Dr. Lucena P. Samson, iskolar ng wikang Kapampangan, ang tinanghal na Kampeon ng Wika.  Malaki ang naging ambag ni Dr. Samson sa katutubong wika at mga wikain ng Filipinas. Kasama sa kaniyang mga proyekto ang opisyal na ortograpiyang Ka-pampangan at antolohiya ng panitikang Kapampangan upang tiyakin ang kasiglahan ng wikang Kapampangan para sa susunod pang mga henerasyon.

Samantala, ginawaran ng Selyo sa Kahusayan sa Wika at Kultura ang Pampahalaang Unibersidad ng Bukidnon, Pampahalaang Uni-bersidad ng Ifugao, Pampahalaang Unibersidad ng Mariano Marcos, Pampahalaang Kolehiyo ng Occidental Mindoro, at Pam-pahalaang Kolehiyo sa Teknolohiya ng Aurora  para sa kanilang mga programa sa pangangalaga ng mga katutubong wika ng kanil-ang rehiyon at sa pagpapalaganap ng wikang Filipino.

Noong 16 Agosto 2018, ang Lupon ng I-nampalan ng Gawad KWF sa Sanaysay 2018 ay nagpasiya na walang nagwagi sa tim-palak sa sanaysay sa taong ito.

Nagtanghal naman ang mang-aawit ng kundiman na si Lara Maigue at kompositor na si Ramoncito Carpio ng isang bagong kundiman na pinamagatang “Minsan Lang,” isa sa mga finalist sa katatapos na NCCA Konsiyerto ng Kundiman 2018.

Bilang pagwawakas, nagkaroon ng rap performance tampok ang “Sugo” at “May Pag-asa” ng fliptop rapper na si BLKD.

Ang pangkulturang pagtatanghal na nito ay naglalayong itampok ang husay ng wikang Filipino na umakma sa iba’t ibang uri ng musika.

Ang “Pammadayaw: Araw ng Gawad” ng KWF ay idinaraos taon-taon simula noong 2016.

Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay itinatag sa bisa ng Batas Republika Blg. 7104 na may mandato sa pagtataguyod ng saliksik, pagpapaunlad, at preserbasyon ng wikang Filipino at iba pang mga katutu-bong wika ng Filipinas.

 

Comments are closed.