(Pampagamot sa anak na may tumor sa leeg) P16,600 NA NAPULOT NG PULIS NAIBALIK SA MAY-ARI

ABOT-abot ang pasasalamat ng isang haligi ng tahanan sa isang pulis matapos na maibalik sa kanya ang nawala nitong pera na nakalaan para sa anak na kasalukuyang naka-confine sa pagamutan sa Muntinlupa City.

Sa report mula sa SECU- Muntinlupa Team na pinamumunuan ni PEMS Edwin V. Vitalicio, habang nagsasagawa sila at ang kanyang mga kasamahan ng Shock and Awe Operations nang makita ang isang pitaka sa Montillano Street sa harap ng Lianas Centro Plaza, Brgy. Alabang, Lungsod ng Muntinlupa.

Ayon sa salaysay ni PCMS Ernesto C. Runtal, dakong alas-3 ng hapon habang nagsasagawa sila ng Shock and Awe Operation sa nasabing lugar ay napansin nito sa hindi kalayuan sa kanyang kinatatayuan ang isang coin purse na kulay      olive green na may tatak na “Star Bucks” na agad nitong pinuntahan at dinampot ang naturang coin purse.

Nang usisain ni Runtal ang laman ng nasabing coin purse ay nagulat siya dahil sa naglalaman ito ng halagang P16,600.

Hindi man lng siya nagdalawang-isip at mabilis na kumilos upang hanapin ang maaring may-ari ng naturang coin purse.

Tinungo niya ang guwardiya ng nasabing establisimiyento at sa harap nito ay muli niyang ipinakita ang laman ng nasabing pitaka, subalit wala namang umanong maituro o masabi ang naturang guwardiya na may naghahanap o nagtatanong sa kanya hinggil sa nakuhang pitaka.

Dahil dito, nagpasya si Runtal na mag-post na lang sa social media sa pamamagitan ng facebook gamit ang ” Muntinlupa News Feed” at ang kanyang  personal na FB account  para makarating ang naturang impormasyon sa may-ari ng nakuhang coin purse.

Makalipas ang isang oras, may dumating sa tanggapan ng SECU- Muntinlupa na nagpakilalang si John Rey Arroyo, nasa hustong gulang at residente ng No. 578 Lovely St., Brgy. Cupang, sa nabanggit ding lungsod na kung saan ay sinasabi nito na siya ang may-ari ng nasabing pitaka.

Hindi naman agad ibinigay ni Runtal ang nasabing pitaka kay Arroyo sa halip ay nagsagawa muna siya ng masusing verification.

Matapos na mapatunayan na si Arroyo nga ang tunay na may-ari ay hindi na nag-atubili pang ibigay ni Runtal kay Arroyo ang nasabing pitaka na kung saan ang perang napulot ni Runtal ay inilalaan niya sa kanyang anak na kasalukuyang naka-confine sa Ospital ng Muntinlupa dahilan sa taglay nitong karamdaman na tumor sa leeg.

“MARAMING SALAMAT MGA SIR AT PULIS ANG NAKAPULOT NG PERA KO, MARAMI PA TALAGANG MABUBUTING PULIS NGAYON,” ito ang binigkas ni Arroyo habang tumutulo ang luha nito matapos na maibalik sa kanya ang perang nawala sa kanya. EVELYN GARCIA