(Ni CT SARIGUMBA)
GUMANDA at mapanatili ang kagandahan, iyan ang inaasam-asam ng karamihan sa atin. Kaya nga’t gina-gawa natin ang lahat ng maisipan nating paraan ma-achieve lang ang gandang ating inaasam-asam.
Ngunit para sa ilan, mahal ang magpaganda. Sa hirap ng buhay ngayon at sa mahal na rin ng bilihin, kung minsan ay naghahanap tayo ng murang paraan para gumanda. Kaya naman, swak na swak ang ibabahagi naming ideya sa inyo dahil bukod sa abot-kaya ito sa bulsa, makikita lang ninyo ito sa inyong kusina.
Kaya kung handa na kayong malaman kung ano-anong pampaganda ang makikita sa kusina, ituloy lang ang pagbabasa:
ITLOG
Nangunguna sa ating listahan ang itlog. Sa agahan nga naman, bidang-bida na ang itlog. Bukod sa masarap ito, napakadali lang din lutuin. Kaya naman, isa ang itlog sa hindi nawawala sa kusina ng bawat tahanan.
Ngunit bukod sa swak ito sa breakfast, mainam din itong gamiting pampaganda. Nakatutulong ang itlog upang maiwasan ang pagkakaroon ng wrinkles at mag-tighten ang balat. Nakapagpapa-improve rin ng appearance ng oily skin ang egg white.
Kumuha lang ng itlog at ihiwalay ang egg white. Batihin ito at saka i-apply o ilagay sa mukha. Hayaan lamang ito sa loob ng 30 minutes. Kapag natuyo na ang egg white mask, banlawan na ito gamit ang warm water.
GARLIC
Pangalawa sa ating listahan ang garlic. Hindi nga naman nawawala ito sa kusina dahil pangunahing sangkap ito sa halos lahat ng lutuin.
Kung may acne ka naman, swak na swak gamitin ang garlic. Bukod sa nakatatanggal ito ng acne, nakapagpapawala rin ito ng blemishes. Maghiwa lang ng garlic at dahan-dahang i-rub sa pimples. Matutulungan ng garlic na gumaling kaagad ang pimple na kinaiinisan ng halos lahat—mapababae man o lalaki.
COFFEE
Pangatlo sa ating listahan ang kape. Hindi rin ito nawawala sa araw-araw na kinahihiligan ng bawat isa sa atin. Sa umaga pa lang, hinahanap-hanap na natin ang aroma nito.
Kaya naman, bukod sa pampagising ito, mainam din itong gamiting pampaganda. Maaari itong gamitin kung dull at mukhang pagod ang ating skin.
Paghaluin lang ang ground coffee sa ginagamit na face mask at may instant facial scrub ka na. Mainam itong gamitin dahil nagtataglay ito ng exfoli-ating properties.
Kaya bakit pa nga naman bibili ng exfoliating scrub kung makagagawa ka naman ng sarili mo. Tipid na, gumanda ka pa!
APPLE
Pang-apat sa ating listahan ang apple. Kahit saan ay mabibili mo ito. Abot-kaya lang din sa bulsa at kinahihiligan ito ng marami. Napakadali nga lang naman nitong kainin. Swak na swak din itong pambaon. At higit sa lahat, healthy pa ang naturang prutas.
Gayunpaman, bukod sa mga nabanggit ay may kagandahan pang naidudulot ang apple sa ating kutis. Kumbaga, mainam itong gamitin kung may wrinkles ka. Kung wala naman, simulan na rin ang paggamit ng apple mask nang maiwasan ang pagsulpot ng mga senyales ng pagtanda. Kumuha ng apple at pakuluan sa malinis na tubig. Palamigin, tanggalin ang mga buto at durugin. Lagyan ng isang kutsaritang honey. I-apply sa buong mukha sa loob ng 15 minuto at banlawan pagkatapos.
HONEY
Sa mga mahilig naman sa honey, ito naman ang panghuli sa ating listahan. Kung may honey kayo sa buhay, mainam naman itong gamitin sa mga may sensitive at blotchy skin.
Simple lang ang paggamit nito, maglagay lang ng kaunting honey sa mukha at hayaan itong nakababad sa loob ng labinlimang minuto. Pagkalipas ng labinlimang minuto, banlawan na ang mukha.
Mainam gamitin ang honey dahil pinapatay nito ang mga blemishes-causing bacteria.
Hindi na nga naman natin kailangan pang lumabas ng bahay upang maghanap ng mga produktong makatutulong upang gumanda ang ating kabuuan. Dahil sa kusina lang, napakarami na tayong makikita.
Kaya naman, subukan na ang mga nabanggit nang ma-enjoy ang benepisyo. (photos mula sa 7beautytips.com, draxe.com, santandercoffee.com)