MATINDI pa rin ang init na ating nadarama. At bukod sa problemang kinahaharap ng bansa, isa pa sa inaalala natin ay ang maalinsangang panahon.
Kapag ganitong mainit ang paligid, marami tayong gustong kaining makapagpapatighaw o makatutulong upang mabawasan ang init na ating nadarama. Isa na nga rito ang halo-halo na swak na swak sa ating panlasa at paboritong-paborito ng lahat—bata man o matanda. Marami na rin ang nakaiisip na gawing makabago ang halo-halo at binigyan ng sari-saring rekados upang mas maging masarap at kaaya-aya.
Bukod diyan, nariyan din ang saging con yelo at maging ang kamote ay maaaring gawing meryenda na may halong yelo. Ang mga nabanggit na pagkain ay patok na patok sa mga Pinoy, mayaman man o mahirap, bata man o matanda.
May iba’t ibang twist tayong ibabahagi para mas maging kaaya-aya sa mata at panlasa ng marami ang saging at kamote.
BANANA CON YELO
Ang mga kakailanganin sa pagluluto ng banana con yelo ay ang saging, asukal, yelo, gatas at black pearl.
Simpleng-simple lang ang paggawa nito. Unang-una ay magmatamis ng saging. Pagkatapos ay ihanda na rin ang black pearl, maaaari itong mabili sa palengke o supermarket. Pagsamahin lang ang mga sangkap saka lagyan ng gatas at yelo.
Ganoon lang kasimple at mayroon ka nang maihahanda sa iyong pamilya.
KAMOTE CON YELO
Kagaya ng banana con yelo, simpleng-simple lang din ang paggawa ng camote con yelo. Ang mga sangkap na kakailanganin sa paggawa nito ay ang kamote, asukal, yelo, gatas at black pearl.
Sa paggawa naman nito, magmatamis din ng kamote. Kapag nagawa ng matamis ang kamote, lagyan na ito ng black pearl. Isama na rin ang iba pang sangkap gaya ng asukal, gatas at yelo.
Hindi ba’t simpleng-simple lang ang paggawa ng banana at kamote con yelo. Swak na swak lamang din ito sa bulsa. Kaya tamang-tama itong ihanda sa buong pamilya lalo na ngayong kailangang magtipid dahil sa kinahaharap na pandemya. CYRILL QUILO
Comments are closed.