PAMPAPOGI BA O PANGKALAHATAN ANG ILANG DESISYON VS COVID-19?

Magkape Muna Tayo Ulit

TULAD ng sinabi ko dati, hindi puwedeng bara-bara ang mga desiyon na dapat ipatupad ng ating pamahalaan sa pa-ghahanap ng solusyon laban sa krisis na ating kinakaharap ngayon, ang nakamamatay na COVID-19.

Ang mga polisiya at implementasyon ay dapat pag-aralang mabuti kung ano ang mga maaaring  resulta na kaugnay sa nasabing mga  hakbang. Sa totoo lang, nararamdaman ko ang pressure ng ating pamahaalan kung papaano nila ma-manage ang pangkakaha-tang suliranin na ito. Nandiyan ang aspeto ng pag-aaruga sa kabuhayan, kalusugan, kaguluhan, seguridad, at pangkalahatang ekonomiya ng ating bayan. Ang lahat ng ito ay nag-ugat sa pamamaraan ng ating gobyerno kung papaano nila mapipigilan ang pag-taas ng kaso ng COVID-19.

Tulad sa pagluluto, dapat ay sakto lamang ang timpla at pagluto ng pagkain upang masabing masarap at malinamnam ito. Maaaring  hindi kayo sang-ayon sa aking pagkumpara. Ngunit  ang ibig kong sabihin dito ay ibalanse ang lahat ng mga polisiya upang makinabang ang lahat ng sektor ng ating lipunan.

Malaki ang respeto at pang-unawa ko sa kapakanan ng ating mahihirap. Kailangan na bigyan sila ng pansin at oportunindad upang makaahon sila sa kahirapan. Subalit  tulad ng sinabi ni dating Pangulong Fidel Ramos, mahalaga na turuan ang mga mahihirap nating kababayan na mangisda imbes na bigyan na lamang sila ng isda.

Tulad ng isyu ngayon sa mga panukala ng  ilang militanteng grupo at mga eksperto kuno na consumer groups na ilibre  ang mga bayarin sa koryente, tubig, telepono at iba pang mga buwanang bayarin dulot ng ECQ.

Hindi ko talaga maintindihan ang lohika ng sinasabi ng mga ito. Baka hindi nila alam na ang batas na ipinasa ng Kongreso na maglaan ng P275 billion para rito ay nanggaling sa buwis. Tayo na nagbabayad ng wastong buwis ang nagbibigay ng tulong pinansiyal  sa ating mahihirap na makatatanggap ng P5,000 hanggang P8,000 kada buwan bilang pantawid  habang tayo ay nasa ECQ.

Ngayon naman, ang mga electric cooperative  ay nais ding magbigay ng libreng koryente sa kanilang mga konsyumer. Samatala, nagbigay kamakailan ng liham ang isang partylist ng electric cooperative sa Palasyo kung maaaring  magbigay ng subsidiya  ang ating gobyerno sa mga naluluging electric cooperatives. Kung ganoon, saan kukuha ng pondo ang mga ito upang magbigay ng li-breng koryente kung nalulugi pala sila?

Mas mainam pa na ang ating buwis ay gamitin sa healthcare, edukasyon, seguridad ng ating mga frontliners, testing kits at tulong sa mga kapulisan at sundalo na kasama sa pagbibigay kaayusan sa ating lipunan sa gitna ng COVID-19 imbes na ilibre ang mga istambay na pasaway na hindi nakikinig sa utos ng ating gobyerno na manatili sa kanilang pamamahay upang hindi kumalat ang sakit na ito. Ito ba ang tulong na ibinibigay nila kapalit sa tulong ng ating buwis na inilaan sa kanila?

Ito nga ang sinasabi ko. Bago pumutak o gumawa ng desisyon, pag-aralan muna nang husto kung ang mga ito ang makatutu-long para sa pangkalahatan o pampapogi lamang.

o0o

Nais kong batiin ang aking kapatid na si Dr. Jesus C. Sison Jr. na nagdiwang ng kanyang kaarawan kahapon. 

Comments are closed.