(PAMPI sa mga miyembro) ‘WAG BUMILI NG LOCAL PORK

Pork

INATASAN ng Philippine Association of Meat Processors Inc. (PAMPI) ang mga m­yembro nito na huwag bumili ng local pork hanggang hindi nasisiguro ng gobyerno na ligtas na ang bansa sa African Swine Fever (ASF).

“Because of the Bureau of Animal Industry test results leaked by some hog raisers themselves, and the continued warning of the Department of Agriculture to local swine groups not to feed swill to their pigs, we believe that it is safer for the meat processing industry not to buy local pork until they are able to assure government authorities and the consuming public that local pork is ASF-free,” pahayag ni Rex Agarrado, spokesman ng PAMPI.

Ang hakbang ay nag-ugat sa kumpirmasyon ng Department of Agriculture (DA)  na isang kilala ngunit hindi pinangalang brand ng processed meat products ang nagpositibo sa swine virus.

Noong Sabado ay inanunsiyo ng meat processing firm Mekeni Food Corp. na boluntaryo nitong binabawi ang ilan sa kanilang mga produkto bagaman hindi pa ibinubunyag ng DA ang mga apektadong brand. Sinabi rin nito na kailangan nitong magsagawa ng isa pang pagsusuri dahil sa posibilidad ng cross-contamination.

Noong nakaraang linggo ay nagbanta ang agriculture group Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) na magsasampa ng kaso laban sa mga kinauukulang awtoridad dahil sa umano’y pagka­bigong suriin ang imported pork at processed meat products para sa African swine virus.

Sinabi ni Agarrado na magmula nang ilantad ng mga awtoridad ang latest findings sa processed pork, ilang meat processors ang tumatanggi nang bumili ng  locally produced pork.

Ayon pa sa PAMPI, nagpasiya rin ang 88-member companies nito na itigil ang pagbili ng local pork materials hanggang hindi nagpapatupad ang pamahalaan ng mga polisiya sa transportasyon, pagbebenta, at pamamahagi ng processed pork.

Nanawagan ang spokesperson ng grupo sa mga ahensiya ng pamahalaan na magsagawa ng random test sa pork hindi lamang sa Luzon, kung saan may ilang lugar ang nakumpirma na may kaso ng ASF,  kundi maging sa Visayas at Mindanao.

Samantala, binatikos ni SINAG chairperson Rosendo So ang hakbang ng PAMPI at tinawag itong ‘pure bluff’ at ‘nothing but an empty threat’.

Ayon kay So, ang pork imports na kontaminado ng ASF ang dapat sisihin at hindi ang local hog industry na nalugi na ng P10 billion sa nakalipas na dalawang buwan dahil sa virus stigma.

Dagdag pa niya, kailanman ay hindi bumili ang PAMPI sa local swine producers.

“Why don’t they police their own ranks, instead of blaming maliciously the hapless backyard raisers?” pagtatanong ni So, patungkol sa isa sa mga miyembro ng PAMPI, na naharang sa Cebu noong nakaraang Hunyo dahil sa umano’y pagtatangkang mag-import ng pork products mula sa ASF-hit Poland.

“The source of the ASF are these pork imports,” aniya. CNN PHILIPPINES

Comments are closed.