PAMUMUHUNAN SA TARGET SECTORS SENTRO NG MIC BOARD MEETING

SA ikinasang unang board meeting ng Maharlika Investment Corporation (MIC) tinalakay ang pagpopondo, target na mga sektor para makalikha ng multigenerational commercial, economic, at social development value creation.

Sa nasabing pulong ay nominado bilang chairperson para sa Board Committees at karagdagang komite habang pinag-usapan ang iba pang administrative matters.

Sinabi ni MIC President at CEO Joel Consing na sentro ng pulong ay ang pagkakaroon ng puhunan at pagpapalago para sa matagumpay na MIC.

“For the Philippines to truly flourish, the fruits of our endeavors we must nourish every corner of the nation. We aim to be not just stewards of wealth but architects of inclusive growth, bridging the gap between economic promise and tangible prosperity for all Filipinos,” ayon kay Consing.

Binigyan-diin nito ang kahalagahan ng transparency at sinabing ang investment body ay nangangako sa pagpapatakbo nang buong bukas, na tinitiyak ang tiwala ng publiko sa pamamagitan ng pare-parehong komunikasyon at mahigpit na accountability.

Aniya, ang MIC ay hindi lamang isang financial entity; ito ay isang gabay para sa kinabukasan ng Pilipinas.

Ang MIC Board ay binubuo nina Finance Secretary Benjamin E. Diokno, na nakaupo bilang Chairperson sa isang ex officio capacity, at Consing, President at Chief Executive Officer (PCEO), bilang Vice Chair.

Kabilang sa iba pang miyembro ang Land Bank of the Philippines (LBP) PCEO Ma. Lynette V. Ortiz, Development Bank of the Philippines (DBP) PCEO Michael O. de Jesus, at Direktor Vicky Castillo Tan, Andrew Jerome Gan, German Lichauco II, at Roman Felipe Reyes.

Dumalo rin sa pulong ang FundAdvisory Body, na binubuo ng kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) na kinakatawan ni Undersecretary Leo Angelo M. Larcia at Bureau of the Treasury (BTR) Treasurer Sharon Almanza.

Ang MIC, na nilikha sa ilalim ng Republic Act (RA) No. 11954, ay nagsisilbing pangunahing behikulo para sa pagpapakilos at paggamit ng unang sovereign wealth fund ng Pilipinas para sa mga pamumuhunan sa mga transaksyon na naglalayong makabuo ng pinakamainam na kita sa mga pamumuhunan.

Ang MIF ay nilikha ng Marcos administrasyon para tumugon sa Marcos 8-Point Socioeconomic Agenda para mabawasan ang kahirapan at Philippine Development Plan (PDP) 2023 hanggang 2028 para sa malalim na pagbabagong pang-ekonomiya at panlipunan. EVELYN QUIROZ