PAMUMULITIKA SA GITNA NG KALAMIDAD

ANG mga kapatid natin sa Mindanao at Visayas, kasama na ang Palawan, ay nagdurusa ngayon dahil sa hagupit ng Bagyong Odette.

Sa mga naiulat na balita, mahigit 200 ang namatay at tila aabot sa mahigit isang bilyong piso ang halaga ng pinsala na idinulot nito.

May mga ilang politiko ang ginagamit ang pagkakataong ito upang umepal at maghangad ng magandang ‘media exposure’, lalo na yaong mga hindi pumapalo sa survey.

Ang tinutukoy ko ay si Sen. Manny Pacquiao. Ang ating Pambansang Kamao ay nag-anunsiyo kamakailan at umapela sa lahat ng presidential aspirants na isantabi muna ang politika at magsama-sama silang lahat sa pagbibigay tulong sa mga biktima ng Typhoon Odette. Haller!!!

Tila mali ang timing nito. Parang nagpapasaring siya na ang mga ibang tumatakbo sa pagka-pangulo ay puro politika ang nasa utak. Marunong kumilatis ang sambayanan sa mga ganitong klaseng tao. Subalit binibigyan ko si Sen. Pacquiao ng ‘benefit of the doubt’ sa sinabi niyang ito na wala siyang intensiyon para umepal.

Marahil dala lamang ito ng kanyang pananaw sa kakapanood ng mga pelikulang Pilipino o dahil sa nagsimula siya bilang mahirap na tao. Alam naman natin ang buhay na pinanggalingan ng ating Pambansang Kamao.

Pero teka. Nasa tugatog na ng tagumpay at karangyaan si Pacquiao. Kilala siya sa buong mundo. Bukod diyan ay naging kongresista at ngayon ay senador si Pacquiao. Dapat ay marunong na siya sa wastong pagbibigay ng pahayag.

Unang nagbigay ng reaksiyon ay ang kapwa niya tumatakbo sa pagka-pangulo na si Sen. Ping Lacson.

Binalikan niya agad ang kapwa niya senador na “calamity politics is the lowest form of campaigning”.

Ipinaabot niya kay Pacquiao na huwag niyang gamitin ang sakuna na dulot ng Typhoon Odette para bumida siya.

May punto si Lacson dito. Palagay ko naman ay lahat ng presidential aspirants, isama na natin ang mga lokal na politiko, ay gagawin ang lahat upang makatulong sa mga kababayan natin na nasalanta ng nasabing bagyo.

Pero kung magpapapogi ka sa kapinsalaan ng iba, parang mali yata ‘yun. Ito nga ‘yung tinatawag na ‘politically incorrect’ na pahayag. Dagdag pa ni Lacson na kung personal na tinawagan siya ni Pacquiao at iba pang mga kandidato upang magbigay ng tulong at hindi ipinahayag sa media, maaari pang kapani-paniwala.

Ang ibang mga kandidato ay wala nang maraming salita. Si VP Robredo ay pumunta agad sa Mindanao upang tingnan kung paano makatutulong ang kanyang opisina sa mga nasalanta ng bagyo. Ganoon din si Bongbong Marcos na agarang lumipad sa Leyte para magbigay ng tulong. Si Manila Mayor Isko Moreno ay nakiusap sa kaniyang konseho na maglabas ng P2.5 million bilang tulong sa mga biktima ng bagyo at hinihikayat ang mga Manileño na tumulong din sa kanilang abot kaya.

Kung ang iba nating mga kandidato ay wala tayong naririnig sa media sa inaabot nilang tulong, sigurado ako na may ginagawa rin silang tulong sa ating mga kababayan.

Bukod diyan, saan kaya hinuhugot ni Pacquiao ang kanyang pahayag na magkaisa ang mga politiko at magtulungan para sa mga biktima ng Bagyong Odette?

Nagbabangayan ba ang mga kandidato sa kasalukuyan? Ang mainit na batuhan ng putik ay sila-sila rin sa loob ng kampo ng PDP-Laban. Bakit pa idadamay ni Pacquiao ang ibang mga kandidato?

Marami pang kailangang matutunan ang magiting natin na si Senador Pacquiao sa pagiging isang tunay na statesman o estadista.