PAMUMUTIKTIK NG MGA KRIMINAL SA LANSANGAN

HINDI maitatanggi na sa ating mga Pinoy, ang buwan ng Setyembre ang simula ng mahaba nating paghahanda sa Pasko.

Sabagay, Hunyo pa lang ay may mga nagpapatugtog na ng kanta nina Jose Mari at Liza Chan na “Christmas In Our Hearts.”

Dahil umarangkada na nga ang “ber” months, malapit na ring dumating ang kinasasabikan nating Pasko.

Noong kasagsagan ng pandemya, kakaiba ang selebrasyon natin sa araw ng kapanganakan ng Panginoong Hesus.

Para sa iba, mas mahalaga ang presensya kaysa regalo.

Dati ang pinaglalaanan natin ng gastos ay ang pamamasyal kung saan-saan at iba pa.

Nagbago na ito ngayon dahil pagsasaayos na ng bahay ang inaatupag ng marami.

Mas nakapagbibigay naman ng saya ang sariling tahanan gaano man ito kapayak kaysa magagarbong pasyalan sa iba’t ibang dako ng bansa.

Ngayong dahan-dahan nang bumabalik sa sitwasyon ang lahat, inaasahan na natin ang pagbabalik sa normal ng mga nakasanayan nating aktibidad tulad ng pangangaroling, Christmas parties, at pamimigay ng mga regalo.

Subalit mataas pa rin ang presyo ng mga pangunahing bilihin at mas tataas pa raw ito sa holiday season.

Kaya naman, hinikayat ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga mamimili na bumili na nang mas maaga ng Noche Buena items.

Para kay Undersecretary Ruth Castelo ng Consumer Protection Group, mas makakamura raw ang mga ito lalo’t hindi pa tumataas ang presyo nito.

Dapat din daw ang mga naka-bundle na items ang bibilhin dahil mas makakamura ng P20 hanggang P70.

Habang papalapit daw kasi ang Pasko ay posibleng magtaas ng presyo ang mga manufacturer ng Noche Buena items.

Tama nga naman si Castelo.

Ngunit ang pamimili ng mga Pinoy sa Pasko ay iniaasa lang din naman ng mga Pinoy sa natatanggap nilang 13th month pay o bonus kung mayroon.

Tila hindi uubra ang ideya ni Castelo dahil walang employer na magbibigay ng ganoong monetary benefits ngayong panahong ito na napakaaga pa.

Kabilang din sa mga kinatatakutan ng mga Pinoy tuwing holiday season ay ang mga kriminal na tinatarget ang bonus o 13th month pay ng mga kababayan natin.

Sa panahong ito, umpisa na rin ng pagdami ng krimen.

Wala pa namang pinipili ang mga kriminal.

Isa sa mga dapat bantayan ng mga pulis ay mga riding­-in-tandem na nambibiktima sa mga matataong lugar.

Kahit hindi “ber” months ay marami pa ring ganitong pangyayari na nagaganap.

Bunga nito’y nararapat doblehin ni Phil. National Police (PNP) Chief General Rodolfo Azurin Jr. ang bilang ng mga pulis na ipakakalat niya sa mga kalsada ngayong holiday season.

Sa ganitong paraan ay mapoprotektahan ang mamamayan.

Nakakaawa ang mga Pinoy na saklot na nga ng takot sa kahirapan at halos wala nang makain ay nangangamba pa sa pamumutiktik ng mga kriminal.