PANAGBENGA FESTIVAL MULING KINANSELA

PANAGBENGA FESTIVAL

BENGUET – MULING kinansela kahapon ang pamosong Baguio Flower Festival o Panagbenga Festival  matapos ang closed-door meeting ng inter-agency task force kaugnay sa COVID-19 na tumaas ang bilang ng naapektuhan.

Sa pagpupulong sa DOH-Cordillera Training Center sa pangunguna ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong, muling kinansela ang nasabing festival na nakatakda sanang simulan ang parade sa Marso 21, 2020 at ang Grand Street Dancing at Grand Float Parade sa Marso 28 at 29.

Ang inter-agency task force ay kinabibilangan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Baguio City, mga opisyal ng Baguio Flower Festival Foundation Inc. (BFFFI), Department of Health (DOH) -Cordillera, Department of Education (DepEd) -Cordillera,  Baguio City Police Office at iba pang ahensya ng lokal na pamahalaan.

Nabatid na ang kanselasyon ay ibinase sa ulat ng health department na may nadiskubreng apat na pasyente na nag positibo sa COVID-19 bukod pa sa naunang 6-katao kaya itinaas  sa nationwide alarm.

Dahil ang nasabing festival ay dinadalaw ng libo-libong turista mula sa iba’t ibang lalawigan, nakiusap ang mga residente ng nasabing lungsod na ikonsidera ang magiging epekto nito sa kanilang kalusugan.

Batid naman na hindi lamang lokal na turista ang daragsa kundi ma­ging ang mga dayuhan na may travel history mula sa ibang bansa na sinasabing naapektuhan ng COVID-19. MHAR BASCO

Comments are closed.