PANAGUTIN ANG LAHAT NG SANGKOT SA OIL SPILL

HINDI  biro ang epekto ng paglubog ng MT Princess Empress sa karagatang malapit sa Naujan, Oriental Mindoro noong Pebrero 28 ngayong taon.

Sinasabing mula sa Bataan at patungo sana ng Iloilo ang tanker para mag-deliver ng 800,000 litro ng industrial fuel.

Aba’y matindi ang nangyari.

Kasabay nang paglubog ng barko ay ang dahan-dahang pagtagas ng langis na dala nito.

Napuruhan ang bayan ng Pola na katabi lang ng Naujan.

Parang sa isang iglap, nangyari ang trahedya.

Napadpad sa baybayin ang maraming langis na nagparumi sa ilang tourist spots at beach resorts doon.

Kahit delubyo ang kalaban, tabo-tabo ang tugon o mitigation ng ating mga kababayan sa lugar.

Nakapanlulumo ang ganitong first response.

Dito makikitang kulang tayo sa kahandaan sa mga ganitong insidente.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng malalaking oil spill sa bansa.

Noong March 19, 1999, lumubog ang oil tanker na Sea Brothers na nakaapekto sa Manila Bay.

Tinatayang 85 tons ng bunker fuel ang tumagas kung saan pinangunahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pag-contain dito gamit ang chemical dispersants.

Naiangat ang barko noong April 19, 1999 o isang buwan matapos ang paglubog nito.

Noong 2001, may tumagas namang langis mula sa isang oil pipeline sa Carmona, Cavite na nakaapekto sa Carmona River.

Sa tulong ng National Disaster Coordinating Council at paggamit ng oil spill containment booms ay hindi ito umabot sa Laguna Bay.

Matindi naman ang oil spill na idinulot ng isang power barge o floating power plant nang sumayad ito sa bisinidad ng Semirara Island noong December 18, 2006.

Nasa 235,000 liters ng bunker fuel ang tumagas na nakaapekto sa 100 ektaryang mangrove forests o bakawan sa isla.

Kung hindi ako nagkakamali, nasa dalawang milyong dolyar ang kabuuang halaga ng nagastos sa rehabilitasyon na nakumpleto noong 2006 din at ginamitan ng chemical dispersions at manual cleanups.

Umabot naman daw sa 2.4 million liters ng langis ang kumalat sa nangyaring Guimaras oil spill nang tumaob ang M/V Solar dahil sa masamang panahon noong 2006 din.

Nagkaroon naman ng Cebu at Manila Bay oil spills noong August 2013 habang may nangyari ring hiwalay na oil spill incidents sa Iloilo noong 2013 at 2020.

Sa oil spill sa Oriental Mindoro, dapat panagutin ang RDC Reield Marine Services na siyang may-ari raw ng MT Princess Empress at ang kompanyang nag-hire rito.

Hanggang ngayon, hindi pa tukoy kung anong oil firm ang kumuha sa RDC para ibiyahe ang langis.

Natuklasan pa na wala raw palang ‘authority to operate’ ang lumubog na tanker dahil hindi pa ito sakop ng

inamyendahang certificate of convenience (CPC) ng RDC.
Tsk, tsk, tsk.

Sa totoo lang, maraming tuliro sa perwisyong dulot ng oil spill dahil nagbabanta na rin ito sa mga karagatang sakop ng Palawan at Aklan (Boracay).

Nawa’y apurahin ang pagtugon ng gobyerno sa hamong ito.

Nararapat ding ipagpatuloy ng Senado ang imbestigasyon at puwersahing tumulong ang may-ari ng tanker sa mga naapektuhan ng oil spill, kabilang ang oil company, sang-ayon sa umiiral na batas.