PANAHON NA NAMAN NG HALALAN

UMARANGKADA na ang election period nitong Agosto 28 para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Election (BSKE) sa Oktubre 30, 2023.

Iiral ito hanggang Nobyembre 29 ngayong taon.

Nasa 42,029 ang mga barangay sa Luzon, Visayas at Mindanao.

Ibig sabihin, ganoon din karami ang mga ibobotong kapitan o tserman, hindi pa kasama riyan ang mga kagawad at SK.

Kung hindi ako nagkakamali, mayroong 18 regions, 81 provinces, 145 cities, 1,489 municipalities, at 42,029 barangays sa buong kapuluan.

Sa panahong ito, maigting ang batuhan ng putik ng magkabilang panig.

Kaya naman, nararapat na maging mapagmatyag ang Comelec at maging ang Philippine National Police (PNP).

Marami ring itinutumba at binabantaan.

Parang national election nga ang nangyayari.

Nangangahulugan lamang ito na may mga kandidato pa ring utak pulbura at ayaw maalis sa puwesto.

Kapag may nakikita silang tumatakbo na malakas, sinisindak nila ito, kasama ang pamilya, at supporters.

Kaya kapag hindi nadala sa takutan, humahantong sa patayan.

Natatandaan ko nga, may isang SK candidate na pinaslang sa Mindanao.

Posibleng kalaban niya sa halalan ang nagpapatay sa kanya.

Nakakatakot dahil bata pa lang sila ay karahasan na ang nasa isip.

Isipin n’yo na lang ang mangyayari kapag nakaupo na sila sa puwesto o kaya’y nakahawak ng mas mataas na posisyon sa hinaharap.

Noong unang araw pa lamang ng filing ng Certificate of Candidacy (COC) o nitong Agosto 28 ay dinagsa na ng mga kakandidato ang mga tanggapan ng Comelec.

Nag-umpisa na rin ang election gun ban kung saan may mga checkpoint na nakatalaga sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Ipinagbabawal ang pagsasagawa ng maagang pangangampa o early campaigning.

Paano kasi, sa Oktubre 19-28 pa ang BSKE campaign period.

Sinasabing bawal ding tumakbo bilang SK official ang may kamag-anak hanggang 2nd degree na incumbent official sa barangay, munisipalidad o probinsya.

Ang bilihan ng boto na pinaka-talamak sa lahat na dati nang nangyayari ay mahirap naman yatang maawat ngayong BSKE.

Matagal nang bawal ang vote-buying at bawal din ang pagbibigay ng pera sa mga botante sa pamamagitan ng GCash o anumang money transfer services.

Kahit pala magsuot ka lang ng campaign shirts at mag-post sa social media ukol sa kandidatura, bawal ito.

Siyempre, nabanggit ko na rin na sa Oktubre 19 pa ang campaign period.

Para sa mga kandidato o tatakbo huwag gawing personalan ang atake sa pangangampanya kundi labanan lang ito ng mga plataporma at programa.

Huwag ding idaan sa init ng ulo ang pangangampanya.

Matatalino na ang mga botante at hindi na nadadaan sa pambobola.

Sa mga botante naman, pumili ng tamang kandidato na maglilingkod sa inyong barangay.

Iboto ang tamang tao na sa palagay ninyo ay may kakakayahang magpatakbo ng ating mga barangay para hindi po kayo magsisi sa matagal na panahon.