NAG- ANUNSIYO na ang PAGASA na opisyal nang pumasok ang hanging Amihan. Malinaw na senyales na umpisa na ang panahon ng Kapaskuhan. Sinasabi nga ng marami na ang Filipinas lamang ang natatanging bansa na may pinakamahabang panahon ng selebrasyon ng Pasko. Ito ay nagsisimula sa Setyembre at nagtatapos sa Enero sa susunod na taon. Limang buwan.
Subali’t ang hudyat ng pag- iba ng simoy ng hangin at ang paglalagay ng mga Christmas decoration sa mga pangunahing lansangan at sa mga shopping malls ay tumutulong sa pag-engganyo sa mga karamihan nating mga kababayan na tila maari na yatang bumalik sa dating kaugalian natin sa pagprepara sa pagsalubong ng Kapaskuhan.
Ang Department of Health (DoH) ay nagpapaalala na ang pagpunta sa mga matataong lugar tulad ng Divisoria at iba pang mga tinatawag na tiangge ay mataas ang posibilidad na makahawa o makakuha ng nakamamatay ng sakit na Covid-19. Sa madaling salita, mapanganib pa rin lumabas at pumunta sa mga matataong lugar.
Matatandaan na ang IATF ay nagbigay ng babala na ipinagbabawal ang mga Christmas party sa mga opisina at iba pang mga hawig na pagtitipon. Maliwanag na hindi pa rin tayo ligtas laban sa Covid-19.
Pinapaalala ng DoH na ang peligro ng pagkakahawa-hawa ay napakalaki kapag tayo ay nakakapunta sa mga lugar na maraming tao katulad ng sa Divisoria. Noong weekend kasi, naitala ang dami ng mga tao sa Divisoria na nag-umpisa ng bumili para sa pagsalubong sa Pasko.
Dagdag paalala ng DoH sa ating mga kababayan na bagaman alam natin na sabik na tayo na magpunta sa mga mall, mamili tayo para sa mga pampasko natin, alalahanin natin na nandyan pa rin ang virus at ang virus, mas maihahawa sa mga tao. Hindi raw tayo buong nakasisiguro na maski na nakasuot tayo ng face masks at face shields, ay ligtas na tayo na hindi mahahawaan ng Covid-19 sa mga matataong lugar.
Paliwanag ng mga opisyal ng DoH na kahit na tayo ay naka-mask at naka-face shield pero pupunta sa mga matataong lugar na halos dikit-dikit ang mga tao, maaari pa rin tayong mahawa. Kaya namaan nagpaalala sa atin ang DoH na sana iwasan ang pagpunta sa mga matataong lugar kung maaari. At kung saka-sakaling kailangan naman talagang mamili dahil nasa kultura na ito ng mga Filipino na mamigay ng regalo tuwing Pasko, maaari naman siguro na magkaroon ng mga ibang pamamaraan para magawa ito. Maghanap ng oras kung saan walang masyadong tao sa mga mall o sa Divisoria o kaya naman mag- online shopping na lang. Mas ligtas pa ito.
Iba ang ang panahon ngayon dulot ng nasabing pandemya. Kailangan ay maunawaan natin na tayo ay nasa ilalim na tinatawag na ‘new normal’. Siguro naman ay mauunawaan ng ating mga kaibigan at mga minamahal natin sa buhay na malaki ang posibilidad na para sa taong ito, hindi parehas ang uri ng paggunita at selebrasyon ng Pasko.
Tandaan na ang Pasko ay hindi nakatuon sa pang-personal na kasiyahan at umaasang makakatanggap ng aginaldo o regalo sa mga kaibigan at mga minamahal natin sa buhay. Ang tunay na diwa ng Pasko ay ang paggunita ng pagsilang ni Hesus Kristo.
Comments are closed.