MAGHANDA na tayo. Sa mga susunod na buwan, mararamdaman na natin ang matinding init ng araw. Tapos na ang maliligayang panahon na medyo malamig sa umaga at ganun din sa pagsapit ng gabi. Itabi na natin ang ating mga jacket at sweater, at ilabas na ang ating mga payong at sumbrero.
Ayon sa ating Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA, nag -umpisa na ang panahon ng tag-init. Nagpaalam na sa ating bansa ang malamig na hanging Amihan at umpisa na ang maalinsangang panahon na nararamdaman natin hanggang sa buwan ng Mayo. Kaakibat nito ay kailangan natin uminom ng sapat na tubig at mga panangga sa init ng araw upang proteksyon sa ating kalusugan.
Ang dapat din nating antabayanan ay ang posibleng pagsipa ng presyo ng koryente at tubig inumin. Matagal ng usap-usapan sa industriya ng enerhiya ang manipis na suplay ng koryente sa ating bansa. Sa panahon ng tag-init, mas malakas tayong gumamit ng air condition at electric fan. Mga bagay na nagbibigay ng pansamantalang lunas sa mainit na panahon. Kaya tataas ang pangkalahatan sa pagkonsumo ng koryente sa ating mga mamamayan. Eh paano kung manipis ang suplay ng koryente? Kaya hindi katakataka na maaaring magbadya ng mga power interruption o brownout sa mga parte ng ating bayan sa mga susunod na buwan, lalo na kapag sumipa na ang kabuuang panahon ng tag-init!
But wait, there’s more! Ang suplay ng tubig sa kalakhang Maynila o Mega Manila ay namimiligro rin na magrasyon ng tubig sa mga piling lugar. Hindi sapat ang suplay ng tubig sa lumalaking populasyon ng Metro Manila, kasama na ang mga karatig lalawigan ng Cavite, Laguna, Bulacan, at Rizal. Ang Manila Water at Maynilad, na nagbibigay serbisyo sa karamihan ng mga naninirahan sa nasabing lugar, ay namomroblema sa mga susunod na buwan kung paano mapagkasya ang mababaw na suplay ng tubig na pinagkukunan nila.
May dalawang dambuhalang water concessionaires natin sa Metro Manila, ang Maynilad at Manila Water. Ang Maynilad ay umaangkat ng suplay ng ating tubig mula sa Laguna Lake na kanilang nililinis ng husto upang maging ligtas na gamitin ng kanilang mga customers. Subalit ang problema ay mababaw na ang tubig sa Laguna Lake. May mga panahon na kapag malakas ang ulan o ang hangin, nabubulabog ang burak sa ilalim ng nasabing lawa kaya nagkakaroon ang sinasabing ‘turpidity’ o hindi malinaw na tubig na lumalabas sa gripo.
Ang Manila Water naman ay umaangkat ng tubig mula sa Angat Dam, sa lalawigan ng Bulacan. Ang problema tin dito ay bumababa ang lebel ng tubig dito tuwing panahon ng tag-init. Ginagamit din ito bilang tubig irigasyon sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga.
Ang ating pamahalaan, kasama sa ugnayan ang Manila Water at Maynilad ay gumagawa ng paraan at paghahanda sa pagpasok ng panahon ng tag-init upang maiwasan ang posibleng pagrarasyon ng tubig. Ganun pa man, ihanda na natin ang ating sarili sa posibleng paghina ng lakas ng tubig sa ating mga kabahayan o kaya naman ay pagrasyon ng tubig sa mga piling komunidad.
Kaya maghanda na tayo sa brownout at posibleng pagrarasyon ng tubig sa mga susunod na buwan. Sabagay, para namang hindi natin ito nararanasan kada taon. Sana naman ay makagawa ng pangmatagalang solusyon at ating gobyerno na may sapat na suplay ng koryente at tubig para hindi na rin natin ito pinag uusapan tuwing pagpasok ng panahon ng tag-init. Tama po ba?