PANAHON NA PARA AMYENDAHAN ANG KATARUNGANG PAMBARANGAY

FORWARD NOW

INIHAIN natin sa Kamara ang panukalang Barangay Justice System na layong amyendahan ang ilang probisyong nakapaloob sa R.A. 7160 o ang Local Government Code of 1991 dahil nais nating palawakin at baguhin ang sistema sa Katarungang Pambarangay at palakasin ang suporta sa Barangay Justice System, gayundin sa mga nagtatrabaho rito.

Ang Katarungang Pambarangay ay halos tatlong dekada nang binuo alinsunod sa R.A. kung saan nakasaad dito ang mga tungkulin at kapangyarihang iniatang sa Lupon Tagapamayapa upang ayusin at pagkasunduin ang magkabilang panig na sangkot sa mga mabababa o mahihinang kaso na idinudulog sa barangay.

Gusto nating ganap na makamit ang obhektibo para sa patas at mabilis na pangangasiwa ng hustisya sa lebel ng barangay, panahon na para muling bisitahin o busisiin ang ilang mga probisyon sa Kataru­ngang Pambarangay na nakapaloob sa R.A. 7160.

“Ito rin ang tamang oras para maging propes­yonal ang pagpapatakbo ng justice system sa barangay at maglaan ng mas malaking pananalapi at insentibo upang makamit ang mataas na antas ng kakayahan, integridad, pagsasarili, may pagsisiyasat at katapatan,” paliwanag ng batang mambabatas.

Sa bagong Katarungang Pambarangay ay bubuo ng malakas at modernong serbisyo ang gobyerno na layong mapabilis ang paghahatid ng hustisya sa barangay level para sa mga Filipino. Ang bawat barangay ay magkakaroon ng mga Barangay Justice Worker na hihirangin o may akreditasyon mula sa Department of Justice, magtatayo ng Barangay Justice Advisory Center para magbigay ng payo o dinggin ang paunang pagsisiyasat sa anumang idudulog na kaso ng nagrereklamo at inire­reklamo, lilikha ng Barangay Conciliation Board na mangangasiwa sa pagpili ng miyembrong didinig sa isinampang kaso sa barangay, at Barangay Conciliation Panel na mamamagitan sa magkabilang partido upang sikapin na pagkasunduin ang mga ito.

Dapat ay magsagawa rin ng Mandatory Continuing Barangay Justice Education para sa lahat ng Barangay Justice Workers upang magkaroon sila ng sapat na kaalaman sa mga batas para maging epektibo ang paghawak o pagdinig nila sa mga kasong isinasampa sa barangay level.

Ang lahat ng Barangay Justice Worker ay marapat lamang na bigyan ng sahod dahil sa kanilang pagtupad sa tungkulin, dapat ay mayroon din silang hazard allowance sapagkat minsan ay nalalagay sa pelig­ro ang kanilang buhay, sumailalim sa libreng pagsasanay, dagdag na edukasyon at pagyamanin ang kaalaman sa pagpapairal ng katarungan sa barangay.

Nakapaloob din sa panukalang batas ang pagbibigay sa mga Barangay Justice Worker na nakapagsilbi ng limang taon ng karapatang tumanggap ng second grade eligibility mula sa Civil Service Commission at mabigyan ng Free Legal Services mula sa Public Attorney’s Office kapag sila’y nasampahan ng kasong may kaugnayan sa pagtupad sa kanilang tungkulin.

Comments are closed.