PANAHON NA PARA BIGYANG PANSIN ANG LINGAYEN

KAPAG pinag-uusapan ang lalawigan ng Pangasinan, ang mga lungsod na agarang papasok sa ating isipan ay ang Dagupan City na kilala sa kanilang masarap na bangus. Ang Alaminos City kung saan matatagpuan ang Hundered Islands na dinadagsa ng mga turista. Nandiyan din ang progresibong Urdaneta City na nadadaanan natin patungong Baguio City.

Marahil ang ilan sa ating mga mamamayan ay hindi alam kung ano ang kapitolyo ng Pangasinan.

Marahil din ay pagpipilian nila ang mga nasabi kong lungsod bilang kapitolyo ng nasabing premyadong probinsya ng Pangasinan.

Hindi po. Ang capital ng Pangasinan ay ang Lingayen. Dito po ako lumaki. Ang mga magulang ko ay tubong Lingayen. Sa katunayan, ang apelyidong Sison ang orihinal na tubong Lingayen. Kaya kung may Sison man sa ibang parte ng ating bansa, sigurado ako na ang ninuno nila ay nagmula sa Lingayen.

Ang Lingayen dati ang sentro ng kalakaran, edukasyon at pamamahala ng lalawigan ng Pangasinan. May paliparan dati ang Lingayen. Ang ‘Malakanyang’ ng Pangasinan kung saan naninirahan ang gobernador ay makikita sa Lingayen. Kung lilibutin mo ang kapaligiran ng población ng Lingayen, maraming makikita na mga lumang bahay na gawa sa bato tulad ng matatagpuan natin sa Vigan, Ilocos Sur.

Si dating Pangulong Fidel Ramos, na tanyag na anak ng Pangasinan, ay nag-aral sa Lingayen bagama’t sila ay taga-bayan ng Asingan. Noong mga panahon na iyon, panagarap ng mga magulang na madala ang kanilang mga anak sa Lingayen upang makakuha ng kalidad na edukasyon. Subalit tila napag-iwanan na sa progreso ang Lingayen. Marami na ang naging siyudad na mga bayan sa Pangasinan. Ang Lingayen, hanggang ngayon, ay 1st Class Municipality pa rin maski na ito ay ang kapitolyo ng lalawigan.

Mabuti na lang at ang mayor ng Lingayen na si Leopoldo ‘Pol’ Bataoil ay may malasakit para sa aming bayan. Nakilala ko si Pol noong 1990s nung siya pa lamang ay PNP Provincial Director ng Pangasinan.

Matapos nito ay sumabak siya sa politika at tumakbo bilang kongresista ng 2nd District ng Pangasinan mula 2010 hanggang 2019. Matapos ang tatlong termino ay tumakbo siya bilang punong bayan ng Lingayen. Ang mga dating naging punong bayan kasi ng Lingayen ay masyadong lokal ang estilo ng pananaw at pamamahala ng Lingayen. Marahil ito ang dahilan kung bakit napag-iwanan ang aming bayan.

Isang magandang proyekto na ginagawa ngayon ni Bataoil ay ang pagpapalakas ng turismo sa Lingayen. Sabi ko nga, mayaman sa kasaysayan at kultura ang Lingayen. Sa katunayan, si Gen. Douglas McArthur ay nag-landing sa Lingayen noong WW II na naging hudyat ng liberasyon ng Filipinas sa mga mananakop ng mga Hapon.

Ngayon naman ay nais buhayin ni Bataoil ang makasaysayan na Limahong Channel. Si Limahong ay isang piratang Tsino na pansamantalang nanatili sa Lingayen noong 1574. Tinutugis sila ng mga Kastila noon matapos na tangkaing sakupin ni Limahong ang Manila. Inabutan sila ng mga Kastila sa Lingayen.

Napilitang maghukay at gumawa ng matatakasan si Limahong at ang kanyang mga kasamahan palabas sa karagatan ng Lingayen Gulf gamit ang kanilang sasakyan pandagat na ngayon ay tinawag nang Limahong Channel.

Nagpatayo si Bataoil ng Limahong Channel Tourism Center (LCTC). Nais ni Bataoil na maging isang kilalang tourist spot sa Pangasinan na makapagdaragdag sa paglago ng ekonomiya sa Lingayen. Plano nilang magkaroon ng samu’t saring activities tulad ng river cruise, bike and all-terrain vehicle rides na magandang pasyalan sa magandang tanawin. Noong 2019, nagkaroon ng groundbreaking ang nasabing proyekto na nagkakahalaga ng P50-million na tinulungan ng pondo mula sa Department of Tourism.

Matagal na kaming hindi nag-uusap at nagkikita ni Bataoil. Subalit bilang isang taga-Lingayen, nararapat lamang na malaman ng mga tao ang mga ginagawa niya upang umasenso muli ang aming bayan. Saludo ako sa’yo, Pol!

5 thoughts on “PANAHON NA PARA BIGYANG PANSIN ANG LINGAYEN”

  1. 598861 326975Wonderful humans speeches and toasts, possibly toasts. are hands down transferred at some time by way of party and expected to turn into extremely funny, amusing not to mention educational inside the mean time. very best man wedding speeches 641378

Comments are closed.