AAMININ ko. Matagal na akong hindi bumibisita sa Baguio City. Kilalang-kilala ang nasabing siyudad bilang ‘The Summer Capital of the Philippines’ dahil malamig ang panahon doon buong taon.
Noong bata pa ako, palagi kaming dinadala sa Baguio City ng aming mga magulang tuwing bakasyon sa panahon ng tag-init. Kung minsan din ay pumapasyal kami roon sa buwan ng Enero o Pebrero kung saan dito mararamdaman ang pinakamalamig na panahon sa Baguio City. Masarap pumasyal sa Baguio noon. Malamig. Masarap ang simoy ng hangin. Malinis. Maganda. Subalit pagkalipas ng ilang dekada, tila unti-unti nang nawawala ang ganda at ningning ng Baguio City.
Ang huling akyat ko sa Baguio ay mahigit 10 taon na ang nakararaan. Iba na ang Baguio. Siksikan na ang mga tao at sasakyan. Dumami na ang mga iskwater o illegal settler sa paligid ng bundok ng Baguio City. Matrapik. Dumami ang mga FX na hindi kondisyon ang mga makina kaya naman nagbubuga ng maitim na usok.
Datirati, matapos mong maglakad sa labas ay hindi amoy diesel ang iyong damit. Subalit ganoon na ngayon sa Baguio. Ni hindi ka na masaya maglakad sa Session Road!
Kaya naman tila pagtutuunan na ng administrasyong Duterte ang pagsasaayos ng Baguio City. Tulad ng ginawa nila sa isla ng Boracay at sa El Nido, mukhang napapanahon na rin na magkaroon ng seryosong ‘urban planning’ ang Baguio City. Kailangang mag-isip na ang national at local government kung papaano palalawakin ang development sa mga paligid ng Baguio City upang tumanggap sa dumaraming residente at sa dumaragsang turista.
Ayon sa isang opisyal ng Baguio City, maglalabas daw ang Malacañang ng moratorium sa konstruksiyon ng mga gusali at pagputol ng mga puno sa nasabing lungsod.
Bago na ang mayor ng Baguio City. Siya ay si PNP Ret. Gen. Benjamin Magalong. Dati siyang hepe ng CIDG. Mas kilala siya bilang pinuno sa imbestigasyon noong 2015 Mamasapano Massacre kung saan 44 SAF troopers ang pinatay ng mga terorista sa Mindanao. Ito yata ang dahilan kaya hindi siya naisama sa listahan ng susunod na PNP chief noong panahon ni PNoy.
Pero balik tayo sa Baguio. Tila si Mayor Magalong ay tulad din ng mga bagong mayor sa Metro Manila na nais ng tunay na pagbabago. Dati kasi ang mga developer sa Baguio ay nakakukuha ng permiso sa DENR at DPWH kapag hindi sila makakuha ng permiso sa lokal na pamahalaan ng Baguio.
Kaya naman humingi si Mayor Magalong sa Malacañang na maglabas ng executive order na magpapatigil sa ganitong maling kalakaran. Nais ni Magalong na mabigyan sila ng isang taon sa pagbabawal ng pagbibigay ng building permit at permiso sa pagputol ng mga puno upang maayos nila ang isyu ng pagbaha at rehabilitasyon ng Baguio City.
Plano rin ng administrasyon ni Magalong na ipagbawal na ang mga matataas na gusali sa Baguio City tulad ng mga high-rise condominium upang makaiwas sa trahedya tulad ng nangyari noong ika-16 ng Hulyo, 1990 na tinamaan sila ng 7.7 magnitude na lindol. Madadamay rin ang mga informal settler na nagtayo ng kanilang bahay sa mga matatarik na lugar na maaaring mabiktima ng landslide.
Sana ay magtagumpay ang pamahalaan ni Mayor Magalong. Sana sa aking muling pagbisita sa Baguio City ay maranasan ko muli at bumalik ang dating malinis at magandang Baguio City.
Comments are closed.