PANALANGIN PARA SA SEGURIDAD NG SANTO PAPA

HUMIHINGI si Manila Archdiocese Jose Cardinal Advincula mula sa mga mamamayan ng panalangin para sa kaligtasan ni Pope Francis at ng bawat isa mula sa anumang banta ng karahasan sa lipunan.

Ito’y matapos umanong makatanggap ng pagbabanta laban sa kanyang seguridad ang Santo Papa kamakailan.

Ayon kay Advincula, mahalaga ring ipanalangin sa Diyos ang pagpapanibago ng mga indibidwal na nagpapalaganap ng kasamaan at kapahamakan ng kapwa.

Nauna rito, napaulat na may nagpadala ng sulat kay Pope Francis na naglalaman ng tatlong bala ng baril.

“Ipanalangin natin na hipuin ng Diyos ang puso ng mga taong naghahasik ng takot, karahasan, kasinungalingan at lumalabag sa karapatang-pantao,” anang Cardinal sa panayam ng church-run Radio Veritas.

Batay sa ulat ng awtoridad ng Milan, Italy, isang liham na may French stamp at naka-address sa The Pope, Vatican City, St. Peter’s Square sa Roma ang natanggap ng Santo Papa.

May kasama rin umano itong tatlong bala ng .9mm na baril at mensahe kaugnay sa financial operations ng Vatican.

Patuloy naman na ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa insidente at isang hindi pinangalanang French national ang suspek.

“Bagamat iniimbestigahan pa kung saan nanggaling at ano ang motibo ng envelope na may tatlong bala para kay Pope Francis, patuloy nating ipanalangin ang kanyang kaligtasan,” panawagan ni Advincula. Ana Rosario Hernandez

2 thoughts on “PANALANGIN PARA SA SEGURIDAD NG SANTO PAPA”

Comments are closed.